PatrolPH

Monsour del Rosario inalala ang simula ni Hidilyn Diaz bago manalo ng ginto

Dennis Gasgonia, ABS-CBN News

Posted at Jul 31 2021 02:39 AM

Watch more on iWantTFC

Natuwa si taekwondo champion at action star Monsour del Rosario nang mabalitaang muling ipapalabas ang Maalaala Mo Kaya (MMK) episode kung saan binalikan ang dating buhay ni Olympic gold medalist Hidilyn Diaz.

Nakatakda itong ipalabas ngayong Sabado, ilang araw matapos makamit ni Diaz ang kauna-uhanang gintong medalya ng Pilipinas sa Olympics.

Si Jane Oineza ang gumanap sa papel ni Diaz, samantalang si Del Rosario naman ang tumayong coach niya para sa 2016 Rio Olympics.

"Very interesting 'yung buhay ni Hidilyn," ani Del Rosario noong binalikan niya ang kuwento ng buhay ng kapwa Olympian.

Magaan ang loob ni taekwondo champion kay Diaz dahil pareho silang atleta. 

Bukod sa shoot sa MMK, nakatrabaho rin niya ang weightlifter noong lumaban ito sa 5th Asian Indoor and Martial Arts Games (AIMAG) noong 2017 kung saan si Del Rosario naman ang nagsilbing chef de mission ng Pilipinas.

Madami raw pinagdaanan sa buhay si Diaz bago tuluyang magtagumpay sa Olympics.

Isa na raw doon ang pagtutol ng pamilya sa kanyang karera bilang weightlifter.

"'Yung kanyang mother wasn't so gung ho for her being a weightlifter, kasi sabi ng parents bakit ka pumapasok dyan eh laro ng lalaki yan," aniya.

Dagdag pa riyan ang hamon ng pagiging high level national athlete.

"There were times she wanted to quit... ang hirap kasi it's really hard to be an athlete, day in day out yun lang ang gagawin mo paulit ulit," aniya.

Pero nabura ang lahat ng iyon ngayong nakamit na ni Diaz ang ginto, sabi ni Del Rosario.

"I was so proud, so happy... It took us 97 years for an athlete to come out and win the gold medal, at babae pa ang nakakuha" sabi niya.

"I hope with her win now, the government and people with power with the way to contribute to sports will make a different for the future athletes that are coming."

Mapapanood ang #MMKHidilynDiaz ngayong Sabado, 8:30 ng gabi sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, TFC at A2Z Channel 11.

For breaking news and latest developments on the Summer Olympics in Tokyo, visit https://news.abs-cbn.com/tokyo-olympics

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.