Hidilyn Diaz, sasailaim sa 7 araw na quarantine sa isang hotel sa Pasay City

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Jul 29 2021 12:33 AM

MAYNILA - Pasado alas-8 ng gabi ng Miyerkoles dumating sa Sofitel Philippine Plaza Hotel sa Pasay City si Hidilyn Diaz at ang kanyang team para sa pitong araw na mandatory quarantine matapos makauwi ng bansa mula sa Japan kung saan siya nanalo ng gold medal sa women's weightlifting competition ng Olympics.

Sa kaniyang pagbabalik-bansa, sinalubong si Diaz ng mga kasamahan sa Philippine Air Force at nagbigay-pugay din sa atleta ang mga tauhan ng Philippine Navy. Si Diaz ay bahagi ng Civil Military Operations Group ng PAF.

Bumuhos man ang ulan, binuksan ni Diaz ang bintana ng sinasakyang coaster van at buong pagmamalaking ipinakita ang unang gintong medalya sa Olympics para sa Pilipinas.

Hindi rin nakitaan ng pagod ang 30-anyos na atleta, at kumaway sa mga sumalubong na sundalo.

Isang malaking tarpaulin na may nakasulat na "Congratulations Staff Sergeant Hidilyn Diaz" ang iwinagayway ng Philippine Air Force.

Tumugtog din ang banda ng Philippine Air Force para sa atleta.

Una nang sinabi ng Team Hidilyn Diaz na magpapahinga lang nang kaunti si Diaz ngunit sasabak agad sa training.

Lunes nang makamit ni Diaz ang makasaysayang panalo para sa bansa.

KAUGNAY NA VIDEO

Watch more on iWantTFC