PatrolPH

Hidilyn Diaz, inspirasyon para sa naging scholar sa Zamboanga

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2021 02:09 PM | Updated as of Jul 28 2021 09:13 PM

Hidilyn Diaz, inspirasyon para sa naging scholar sa Zamboanga 1
Edgard Garrido, Reuters


MAYNILA -- Taglay rin ni Hidilyn Diaz ang ginintuang puso para sa mga kapos-palad at nangangarap katulad niya -- ayon sa isa sa kaniyang mga naging scholar sa Zamboanga. 

Para sa isa sa mga naging scholar ni Diaz na si Jane Hipolito, maituturing na inspirasyon ang kauna-unahang Olympic gold medalist ng bansa sa tuwing nag-eensayo sila. 

"'Pag kasama niya kami nagba-bonding tapos tinuturuan kami ng good techniques tapos nagbibigay ng payo sa amin," ani Hipolito sa panayam sa Teleradyo. 

"Noong una po si coach nanghihikayat sa akin na imbes na magtambay ka lang sa gym, mag-training ka lang tapos after nung makita ko si Ate Hidilyn mas naengganyo akong mag-training nang maigi po. Mahirap sa umpisa pero 'pag ginusto kakayanin naman po," dagdag niya. 

Watch more on iWantTFC

Sinimulan ni Diaz ang kaniyang karera sa weightlifting sa Zamboanga, at kasabay nito ay marami rin siyang pinagdaanan, partikular na sa usaping pinansyal at suporta sa kaniyang pakikipagpaligsahan. 

Sa pagsisimula ni Diaz sa weightlifting ay apat silang magpipinsang sumabak sa laro para maging scholar, kuwento ng pinsan niya at kasabayan niya sa national team na si Army Cpl. Alexander Diaz. 

Dala aniya sa hirap sa pagbabayad ng tuition ang pagsabak nila dito. 

Watch more on iWantTFC

Ibinahagi rin ni Cpl. Diaz ang ilan sa mga naging pagsubok nila sa mga unang taon nila sa pag-eensayo bilang weightlifters. 

"Noong elementary kami nagsakay lang kami sa jeep, ambag-ambag kami, magtipid kami sa jeep tapos siya paupuin namin kasi prinsesa namin 'yan eh. Mahirap din ang buhay kasi kami nagtatanim lang dati kami ng gulay tapos ibebenta sa palengke. Sila naman nagtatanim ng talong tapos bebenta rin tapos nag-iigib ng tubig," ani Cpl. Diaz. 

Bagama't nag-iisang babae sa kanilang grupo, si Diaz aniya ang nakitaan ng potensyal ng head coach ng national team, at nagtuloy-tuloy sa pag-eensayo sa weightlifting. 

Kumbinsido si Cpl. Diaz na ang pinagdaanang hirap at pagsisikap ang naging daan sa tagumpay ng pinsan. 

May ranggong staff sergeant na si Hidilyn, na kasama sa Philippine Air Force matapos ang kaniyang tagumpay. 

Nakamtan ni Hidilyn ang historic gold medal sa 55 kg class ng women's weightlifting at naging kauna-unahang Pinoy na makuha ang medalya sa 97 taong pakikilahok nito sa Olympics. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.