PatrolPH

BALIKAN: Paano hinawakan ni Hidilyn Diaz ang mga premyong natanggap sa 2016 Rio Olympics?

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2021 02:44 PM

BALIKAN: Paano hinawakan ni Hidilyn Diaz ang mga premyong natanggap sa 2016 Rio Olympics? 1
Minsan nang sinagot noon ni Hidilyn Diaz kung paano niya tinitingnan ang mga premyong natanggap sa 2016 Rio Olympics. ABS-CBN

Patuloy na bumubuhos ang mga premyo mula sa mga politiko at pribadong sektor para sa kauna-unahang Olympic champion ng bansa na si Hidilyn Diaz ngunit hindi ito ang unang pagkakataon na nakatanggap ng maraming insentibo ang atleta. 

Noong 2016, tinuldukan ni Diaz ang 20 taong paghihintay ng Pilipinas ng medalya sa Olimpiyada matapos iuwi ang pilak sa weightlifting sa 2016 Rio Games.

Umabot sa higit P7 milyon ang natanggap ni Diaz na premyo noon dahil sa tagumpay bukod pa sa isang bagong bahay. 

Sa kaniyang panayam kay Boy Abunda noong 2016 sa “Tonight With Boy Abunda,” ikinuwento ni Diaz kung paano nito tinitingan ang mga reward na matatanggap dahil sa pambihirang panalo. 

Ayon sa manlalaro mula sa Zamboanga City, bagamat masaya sa mga natanggap, naniniwala siya na hindi mailalarawan ng materyal na bagay ang pagkatao niya. 

“Parati kong sinasabi sa sarili ko, itong materyal na bagay 'di magla-last. Si God nagla-last. Sinasabi ko na kailangan ko maging humble. Itong money hindi ito nagde-describe sa sarili ko,” saad noon ni Diaz. 

“Si God ang naging best friend ko nung ups and downs,” dagdag pa nito. 

Aniya, hindi siya gaanong naniniwala sa swerte dahil para sa kaniya ang magandang kombinasyon ay pagpupursige at pagtitiwala sa Diyos. 

“Mas naniniwala ako na kapag ginawa 'yung best, si God ang gagawa ng rest. Kailangan mo rin kasing gawin 'yung part mo bago ibibigay sa 'yo 'yung para sa 'yo,” paliwanag ni Diaz. 

Malapit ang puso ni Diaz sa kaniyang pamilya at mga bata kaya naman sa tuwing uuwi ito mula sa mga malalaking kompetisyon ay may natatanggap ang mga itong pasalubong mula sa kaniya. 

Nagpatayo rin si Diaz ng weightlifting gym sa Zamboanga City para magamit ng mga nangangarap na maging weightlifter tulad niya.

Sa kaniyang pagbibigay ng unang ginto sa Pilipinas, pumalo na sa higit P30 milyon ang matatanggap ni Diaz na premyo bukod pa sa ilang bahay at lupa, unlimited flights sa buong buhay niya mula sa dalawang airlines, libreng pagpapagasolina at bagong sasakyan. 

Nitong Lunes, winakasan ni Diaz ang 97-taong paghihintay ng Pilipinas na makarating sa tuktok ng Olympic podium nang magtala ng bagong record sa women’s 55kg sa Tokyo, Japan. 

Balikan ang naging panayam ni Diaz kay Abunda noong 2016:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.