TFC News

Isahaya City, Japan mayor, binigyan ng warm welcome ang PH Team Athletics

TFC News Japan

Posted at Jul 23 2021 05:36 PM | Updated as of Jul 31 2021 03:01 PM

Nagasaki, Japan -- Binisita ni Mayor Yukishige Okubo ng Isahaya City, Nagasaki, Japan ang Team Pilipinas Athletics sa pre-Olympic training ng mga atletang Pinoy sa TransCosmos Stadium, Biyernes, July 23, 2021 kung saan nagti-training si Kristina Knott, ang Fil-Am sprinter na nakasungkit ng medalyang ginto sa Southeast Asian Games women's 200-meter run.

Isahaya City, Japan mayor, binigyan ng warm welcome ang PH Team Athletics 1
Ang Team Pilipinas Athletics kasama si Mayor Yukishige Okubo ng Isahaya City, Nagasaki, Japan.

Ayon kay Edward Kho, Marketing Communications Director ng PATAFA o Philippine Athletics Track and Field Association na siya ring Deputy Team Leader ng Athletics delegation ng Pilipinas sa Summer Olympics sa Tokyo, dahil sa pandemya, baliktad ang nangyari, imbes na ang atletang Pinoy ang mag-courtesy call kay Mayor, nagdesisyon ang lokal na lider na siya na ang mag-courtesy visit sa Team Pilipinas Athletics.

“Ito po ay isang munting pagpupugay lamang ng butihing Mayor para sa amin na kanilang mga panauhin. Kami rin po ay may ihahandog na munting pasasalamat sa Mayor at kanyang mga tauhan,” kuwento ni Kho.

Isahaya City, Japan mayor, binigyan ng warm welcome ang PH Team Athletics 2
Si Carlo Buzzichelli (extreme left), strength & conditioning coach ni Knott, Miho Takeguchi, Manager, International Affairs Division ng Nagasaki Prefecture Sports Commission, si Kristina Knott (middle), ceremony interpreter, Rohsaan Griffin, coach ni Knott at Edward Kho (extreme right).

Mahigpit kasi ang pagpapatupad ng Japan sa health protocols para maiwasan ang COVID-19 transmission habang ginaganap ang Summer Olympics. Sa katunayan, ang pagsasailalim ng bawat delegado sa RT-PCR kada dalawang araw ay binago na ng pamunuan ng Olympics at ginawa ng araw-araw ang COVID-19 testing para masiguro ang kaligtasan ng mga atleta at iba pang kasama sa palaro.

“Araw-araw na lang po ang saliva test. Kung sakaling mag-positive saka iti-test ng mucus RT-PCR para makumpirma. Kung mag-positive pa rin, siya ay ihihiwalay na kaagad at dadalhin sa quarantine hotel kung saan siya ay mamalagi sa loob ng 10 araw bago pauwiin, ani Kho.

Isahaya City, Japan mayor, binigyan ng warm welcome ang PH Team Athletics 3
TransCosmos Stadium sa Isahaya City, Nagasaki, Japan kung saan nagti-training si Knott.

Ang Team Athletics Pilipinas ay may dalawang atleta na sina Kristina Knott para sa 200-meter run at Ernest John Obiena para sa pole vault.

“Ang unang maglalaro ay si Ernest John Obiena, sa Hulyo 31 ng 9:40am. Ito ay elimination round ng kanyang event na Pole Vault. Si Kristina Knott, sa Round 1 ng 200-m ay tatakbo sa August 2 ng 10:30am. At kung sakaling mapabilang siya sa top 24 mula sa prelims, siya ay sasabak sa semi-finals sa gabi sa ganap na 7:25pm. Si EJ naman ay finals sa Aug 3. Kung siya ay makasama sa top 16, ito ay sa ganap na 7:20pm, pagbabahagi ni Kho.

Isahaya City, Japan mayor, binigyan ng warm welcome ang PH Team Athletics 4
Si Kristina Knott

Humingi ng dasal si Kho mula sa mga kababayan bilang suporta sa ating mga atletang Pinoy na sasabak sa Summer Olympics sa Tokyo, Japan:

“Kung maaari po sanang maisama sila sa kanilang mga panalangin na sana ang ating mga atleta ay manatiling ligtas mula sa banta ng COVID-19 at mabigyan ng lubos na pagkakataon na mailabas ang kanilang galing.

Ulat ni Annalyn "Apol" Mabini | TFC News