Thurman nawala ang angas, nagbigay-pugay kay Pacquiao

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2019 04:34 PM | Updated as of Jul 22 2019 07:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Matapos ang pambihirang pagkapanalo ni Manny Pacquiao sa kaniyang laban sa Las Vegas, Nevada noong Linggo (Manila time), marami ang nagulat sa pagbabago ng tono ng natalo niyang katunggali na si Keith Thurman.

"Hats off to the Senator on a great performance," sabi ni Thurman sa isang tweet. Ito ang kauna-unahang talo sa laban ng Amerikanong boksingero.

Maaalalang noong mga nakaraang araw ay puno ng angas si Thurman pero hindi naman ito pinansin ng tinaguriang "Pambansang Kamao." 

Sa kanilang post-fight press conference, inamin ni Thurman — na 10 taong mas bata sa 40 anyos na si Pacquiao — na nagulat siya sa bilis nito. 

"Everything Manny Pacquiao has still got a lot of it left in him... He does train hard, he kept his hands up. He's been in so many wars now, he knows not what to do," sabi ni Thurman.

Nagpasalamat din si Thurman sa Pinoy fans at sa pagkakataong makalaban si Pacquiao. 

"I just want to thank all the fans in the Philippines for the support. Thank you for the honor of fighting Manny Pacquiao who is a true champion."

Naagaw ni Pacquiao mula kay Thurman ang WBA "super" welterweight belt, na itinuturing na pinakamahalagang championship belt sa dibisyon.

Para naman sa maraming analysts, sa tibay na pinakita ni Thurman ay maaari pang maging fight of the year ang laban nila ni Pacman.

"This might be fight of the year this year. If that's not worthy of a rematch, what is?" sabi ni Kevin Iole, boxing columnist ng Yahoo Sports.

"I think this has been the best performance of Manny at his age, his work rate was incredible... sparring with young champion like Thurman," sabi naman ni Lance Pugimire ng The Athletic.

MASAYANG PANALO

Watch more in iWant or TFC.tv

Kinaumagahan matapos ang pagkapanalo, good mood si Pacquiao, na pinuri sa buong mundo dahil sa kalidad ng bakbakan nila ni Thurman. 

Sabi ni Pacquiao, binigyan niya ang kaniyang sarili ng 8/10 na puntos dahil may maaari pa raw siyang pagandahin sa kanilang laban. 

Tinuloy din ni Pacquiao ang bible study at thanksgiving fellowship kasama ang mga Pinoy sa Amerika. 

Hindi pinayagan ng doktor si Pacquiao na bumiyahe agad-agad pabalik ng Pilipinas para dumalo ng State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Private plane ang sasakyan ni Pacquiao pabalik ng Pilipinas at darating sila ng pamilya sa Martes. 

Sinabi naman ni Pacman na wala pa siyang balak magretiro at sa 2020 daw ang susunod niyang laban. —Ulat nina TJ Manotoc at Dyan Castillejo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.