Free viewing ng Pacquiao-Thurman fight, dinagsa

ABS-CBN News

Posted at Jul 21 2019 11:58 AM

Nagsagawa ng free viewing sa General Santos City gym para sa laban ni Manny Pacquiao laban kay Keith Thurman ngayong Linggo. ABS-CBN News

Dinagsa ang iba't ibang lugar kung saan maaaring mapanood nang libre ang laban ni Sen. Manny Pacquiao laban kay Keith Thurman para sa WBA Welterweight title sa Las Vegas, Nevada ngayong Linggo.

Sa General Santos City, unti-unti nang napupuno ang bahay ng kapatid ni Pacquiao na si Lisa Onding sa Barangay Labangal.

Nakaugalian na raw ito ni Onding, para marami silang makasama sa panonood ng laban ng kaniyang kapatid. 

Mayroon ding free viewing sa bahay ng kapatid ni Pacquiao na si Lisa Onding sa Barangay Labangal, General Santos City. ABS-CBN News

May free viewing din sa gym sa lungsod kung saan namigay ng 1,500 tickets ang lokal na pamahalaan para sa 26 na barangay.

Ayon sa head ng city sports development and games office na si Lady Manalo, bagama't may pinamimigay na ticket, bukas ang GenSan gym para sa lahat ng gustong manood.

Siniguro naman ng lokal na pamahalaan ng GenSan na hindi madidismaya ang mga kababayan ni Pacman sa free viewing.

Matatandaan na sa huling free viewing ng LGU, nawalan ng cable signal sa loob ng gym at gumamit na lang ng facebook live sa streaming ng labanang Pacquiao-Broner.

“We assure our constituents na hindi na mauulit yon. Skycable na talaga ang provider natin ngayon. Napahiya kasi ang city noong last time,” pahayag ni Manalo.

Sa Polangui, Albay naman, inihanda ni Vice Mayor Buboy Fernandez ang isang gymnasium para sa free live viewing ng 42 na barangay.

Watch more in iWant or TFC.tv

Dumagsa rin ang mga Dabawenyo sa free viewing ng Brgy. 5-A, Davao City sa laban ng senador na kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte.

May libreng palabas din ng laban sa Pili, Camarines Sur na hatid ng lokal na pamahalaan.

-- May ulat nina Francis Canlas, Jay Dayupay, Jose Carretero, Hernell Tocmo, at Rizza Mostar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.