PatrolPH

Olympic medalist Kayla Sanchez, target na magsanay sa Pilipinas

ABS-CBN News

Posted at Jul 19 2022 04:17 PM

Kayla Sanchez bumisita sa New Clark City Aquatics Center. BCDA
Kayla Sanchez bumisita sa New Clark City Aquatics Center. BCDA

MAYNILA – Humanga ang two-time Tokyo Olympic medalist na si Kayla Sanchez sa New Clark City Aquatics Center sa Tarlac nang bumisita ito nitong Hulyo.

Noong Hulyo 9, pumunta si Sanchez sa New Clark City upang magsanay kasama ang nasa 30 batang Pinoy swimmers mula sa Philippine Swimming Inc. (PSI).

Dito nagkaroon ng interes ang 21-anyos na atleta na magsanay din sa Pilipinas para sa mga darating na kompetisyon kabilang na ang kaniyang pagtatangkang katawanin ang bansa sa Paris Olympics sa 2024. 

Ayon sa manlalangoy, maganda ang pasilidad ng New Clark City bukod pa sa tanawin at lokasyon nito. 

Ilan sa mga tampok na pasilidad ng Aquatics Center ay ang whole-body air dryer, Swiss Timing sports equipment, year-round water temperature na 26-degree celsius, at ang pagiging malapit nito sa 525-unit Athletes’ Village.

Ito rin ang nag-iisang FINA-approved swimming facility sa Pilipinas. Sa kabuuan, may seating capacity na 2,000 ang Aquatic Center bukod sa 10-lane competition pool, eight-lane training pool at diving pool.

Ginamit bilang venue ng 2019 Southeast Asian Games ang New Clark City nang mag-host ang Pilipinas. 

Nito lamang simula ng buwan, lumipat si Sanchez ng bansang irerepresenta sa international competitions mula sa Canada. 

Kabilang si Sanchez sa Team Canada na nag-uwi ng pilak na medalya sa women’s 4x100m freestyle at tanso sa women’s 4x100m medley noong Tokyo Games.

Siya rin ang reigning world junior record holder sa 50-meter freestyle. 

Kapwa Pinoy ang mga magulang ni Sanchez na ipinanganak sa Singapore at lumaki sa Canada. 

-- may ulat ni Gracie Rutao

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.