Higit sa laro, ABS-CBN Sports ibinahagi sa publiko ang buhay atleta bilang inspirasyon

ABS-CBN News

Posted at Jul 18 2020 07:01 PM | Updated as of Jul 18 2020 07:25 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA – Naniniwala ang buong grupo ng ABS-CBN Sports na kahit papaano ay nabago ang tingin ng publiko sa sports at nabigyan din pagkakataon maipakilala ang pinagdaanang pagod at tagumpay ng atleta Pilipino.

“Dati kasi ang sports is really tungkol sa games, dapat mahilig ka sa sports ang hinahanap nila ’yung analysis, statistics. Nag-iba tingin natin sa sports, naging buhay na rin siya ng mga tao,” pahayag ni Vince Rodriguez, Channel and Production Head ng ABS-CBN Sports+Action.

Sa panayam sa ABS-CBN Teleradyo Sabado ng umaga, ibinalita ni Rodriguez na buong team nila na nasa 80 katao ang kasamang mawawalan ng trabaho dahil sa pagbasura ng House Committee on Legislative Franchise sa hiling na prangkisa ng ABS-CBN.

“Sa kasawiang palad, ang naging desisyon sa amin buong team talaga, buong grupo. Mahirap tanggapin dahil marami sa amin has been here for more than 20 years na rin. Nawalan tayo ng pamilya, hindi naman trabaho nawala sa atin,” sabi ni Rodriguez.

Sa pamamagitan ng Sports+Action, sinabi ni Rodriguez na napalawak pa at mas lalong naintindihan ng publiko ang sports at naitaas rin ang pagmamahal ng tao sa sarili nitong mga atleta.

“Ipinakita namin na hindi lahat ng atleta big-time superstar — lahat dumadaan sa hirap, sa pagod, but ultimately, when they reach their achievement nakaka-inspire ’yan ng tao,” sabi niya.

Ang mga kuwentong ito ang nagbibigay umano ng pag-asa sa maraming tao.
 
“ ’Yung pinakita namin ang storya ng mga atletang ito, doon nakita ng mga tao sports is not just about the game, hindi lang ito tungkol sa nangyayari sa court pero mas malawak siya. Ito ay buhay, may struggles, pains na pinagdadaanan and ultimately, you want to succeed, and sports teaches us that,” aniya.

Ikinatutuwa naman niya ang mga atletang patuloy na nagpapadala ng mensahe ng suporta at pasasalamat sa naitulong ng ABS-CBN Sports+Action sa kanila.

“Naisip namin meron din kaming nagawa in the service of the Filipino. Meron din kami contribution na naibigay hindi lang sa fun and enjoyment sa panonood ng games, pero nakatulong din siya sa buhay ng atleta at buhay ng Pilipino,” dagdag ni Rodriguez.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.