PatrolPH

KILALANIN: 10-anyos na chess prodigy pangarap maging grandmaster

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2021 03:18 PM | Updated as of Jul 18 2021 07:01 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Talas ng isipan ang nagiging sukatan ng pagalingan sa chess. 

At ang isang chess prodigy na tinitingnan ngayon ay ang 10 anyos na si Al-Basher Buto na tubong-Marawi City. 

Sa munting edad na 4 anyos natuto si Buto, sa nais na masundan ang yapak ng ate na nagka-kampeonato sa chess. 

Nang mapag-alaman ito ng kaniyang ina na si Nelia Jumangit ay nag-download siya ng chess application sa isang tablet para makapaglaro si Buto. 

"Natuto ako 4-and-a-half and 'yung mama ko po nag-download ng parang chess sa tablet at doon niya po ako tinuruan kaya ako natuto," ani Buto sa panayam sa Teleradyo, umaga ng Sabado. 

Ayon sa kaniyang ama na si Bong, nahasa sa tuloy-tuloy na paglalaro at pag-eensayo ang kaniyang anak sa chess, hangga't sa natatalo na niya ang kaniyang mga kapatid sa laro. 

Lalong nagbunga ang ganitong pag-eensayo sa pagsali ni Buto sa kaliwa't kanang championships. Dito na umano nakita ng kaniyang magulang ang potensyal niya sa larangan ng chess. 

"Nagulat kami nag-champion siya. Sabi ko, itong batang ito suportahan ko," ani Bong, na dating may karanasan bilang collegiate basketball athlete. 

Watch more on iWantTFC

Ilan lamang sa napanalunan niya ay ang 13th Asian Schools and Youth Chess Championship sa Panjin, China, kung saan nilagnat pa siya sa gitna ng paligsahan. 

Para makapag-ensayo, sumasali si Buto sa mga online tournament,, nagbabasa ng mga libro, at bumubuo ng mga puzzle para lalong tumalas ang kaniyang isip. 

Nakatulong din aniya ang online classes para mabalanse ang kaniyang paglalaro at pag-aaral. 

Kahit pa man kaliwa't kanan na ang kaniyang nakamit sa laro ng chess sa murang edad, tingin ni Buto na kaya pa niyang makamit ang mas maraming parangal. 

Pangarap niya na makamit ang grandmaster title, gaya ng kaniyang iniidolo na si Wesley So, at sumali pa sa ilan pang mga international tournament. 

Pero sa harap ng tagumpay ay nakakaranas din sila ng mga pagsubok, gaya ng paglikom ng pera para makapagbayad ng trainer. Kaya naman nananawagan sina Bong ng dagdag na suporta mula sa mga ahensiya at pamahalaan, partikular na sa Cainta, Rizal kung saan naninirahan sina Buto. 

KAUGNAY NA VIDEO: 

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.