Thurman tiwalang makaka-knockout sa 'dream fight' vs Pacquiao

ABS-CBN News

Posted at Jul 17 2019 07:40 PM | Updated as of Jul 17 2019 09:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

LAS VEGAS, NEVADA – Ilang araw bago ang kanilang labanan, sinabi ni Keith "One Time" Thurman na tingin niya ay "dream fight" ang magiging bakbakan kay Manny Pacquiao. 

Sa kanilang grand arrival ceremony sa MGM Grand nitong Martes (Miyerkoles sa Pilipinas), nagpahiwatig ng pasasalamat si Thurman sa fans ni Pacquiao. 

Pero giit niya na ina-knock out niya ang "Pambansang Kamao" kahit nirerespeto niya ito. 

"Just fighting a legend like Manny Pacquiao, right now, is the greatest moment I’ve ever had. So Saturday night I’m gonna live the moment to the fullest and I’m going to be victorious," ani Thurman. 

Aminado si Thurman na kakaiba ang bilis ni Pacquiao, pero muling nagpaulan ng patutsada ang Amerikanong boxer at sinabing hindi raw siya matatamaan ng ano mang suntok ni Pacquiao. 

"Boxing is a beautiful sport. Manny has showed that in many fights and I’m gonna show Manny Pacquiao and all the Philippines what kind of champion Keith 'One Time' Thurman truly is," ani Thurman. 

Sa ngayon ay hati ang pananaw ng ilang analysts sa kung sino ang liyamado at dehado sa magiging labanan. 

Buwelta naman ni Pacquiao, na tumatayong eight division world champion sa boxing, na tila nakalimutan ni Thurman ang background niya sa boxing. 

Ipinagkibit-balikat lang niya ang umano’y knock-out prediction ni Thurman at ang mga paratang ng kalaban na ire-"retire" siya nito. 

"Easy to say, hard to do it. You will see it on Saturday," ani Pacquiao. 

Lalong naging determinado ang coaching staff ni Pacquiao nang marinig muli ang mga hirit ni Thurman. 

"Kailangang manalo para tumahimik na 'yan (Thurman)," anang coach ni Pacquiao na si Buboy Fernandez. 

Gusto rin ni Thurman na ipakita ni Pacquiao ang kaniyang galing sa ring sa kanilang laban. 

"Get motivated, Manny Pacquiao, I want the best Manny Pacquiao. I don't want the Manny Pacquiao just thinking about his family and his fans and stuff. I want him coming for my throne. This is gonna be a great fight for me and my career," aniya. 

Magaganap ang labanan nina Pacquiao at Thurman sa MGM Grand Arena sa Hulyo 20 (Hulyo 21 sa Pilipinas). 

Mapapanood sa ABS-CBN Channel 2 ang laban sa Linggo, Hulyo 21. --Ulat nina Dyan Castillejo at TJ Manotoc, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.