Softball game isinagawa sa Lipa sa kabila ng COVID-19 restrictions

ABS-CBN News

Posted at Jul 15 2020 12:38 AM

Softball game sa Bulacnin, Lipa, Batangas. Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Ipinag-utos ng lokal na pamahalaan ng Lipa city, Batangas, ang pagpapatigil ng softball games sa Barangay Bulacnin sa takot na baka pagmulan ng pagkalat ng COVID-19.

Non-contact sports pa lamang ang pinapayagan ng Inter-Agency Task Force sa mga lugar na nasa modified general community quarantine tulad ng Batangas.

Kaya ibig sabihin hindi pa rin kasama ang softball na maituturing na contact sport.

Kasama sa lumahok sa isang softball game sa Barangay Bulacnin ang 21 anyos na si Royevel Palma. Dumayo pa siya mula Tanauan city para muling makapaglaro makalipas ang tatlong buwang quarantine.

“Takot, pero wala tayong magagawa. 'Yung sakit di nakikita. Nasa tao naman 'yun ang pag-iingat, kaya nga naka-mask saka hiwa-hiwalay kami sa field, social distancing ipinatutupad, walang masyadong dikit dikit,” aniya.

Nasa 100 din ang taong nanood sa laro kaya hindi naiwasan ng residenteng si Normita Padilla na mag-alala, lalo’t umpukan ang mga ito at may ilang walang suot na face mask.

“Kita naman ninyo magkakalapit . . . Syempre ang ganyan baka mahawaan, di mo masabi ang tao,” ani Padilla.

Sinubukang kuhanan ng ABS-CBN News ng pahayag tungkol sa palaro ang punong barangay ng Bulacnin pero wala ito sa bahay niya.

Dismayado naman si Lipa Mayor Eric Africa.

“Base sa ating inilabas na EO, 'yung mga individual sports lang ang ina-allow natin like tennis, chess, golf, pingpong at iba. Pero basketball, softball, baseball, hindi talaga sila allowed so nagtataka nga ako bakit in-allow ng barangay captain. Sila naman, informed sa desisyon hindi lang ng LGU pati national government,” aniya.

“Kung di sila susunod, I may be force to sanction sila through administrative case to be filed against the barangay captain . . . Kapag ama ng barangay di naman maaaring di mo alam na may mangyayari na malaking event.” 

Nitong Martes ng umaga, muling nakipag-ugnayan ang news team sa punong barangay para sa panig niya pero abala pa umano siya sa ibang gawain. -- Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.