Oscar De La Hoya kay Pacquiao: You are a legend

ABS-CBN News

Posted at Jul 13 2018 01:13 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Bago ang nalalapit na labanan nina Senador Manny Pacquiao at Lucas Mathysse, pinuri ng retired boxer na si Oscar De La Hoya si Pacquiao para sa mga nakamit niya sa loob at labas ng boxing ring. 

Sa huling press conference bago ang nakatakdang bakbakan sa Hulyo 15 sa Kuala Lumpur, pinuri ni De La Hoya ang nabansagang "Pambansang Kamao" para sa kaniyang career. 

"Manny, I'm so proud of you. Congratulations for your career, for everything that you are doing... You are a legend, you are building bridges for all countries through your fists," aniya matapos ang final press conference bago ang nakatakdang bakbakan sa Linggo. 

Pero binalaan din ng retired boxer na nagsisilbi ring head ng boxing promotion ni Mathysse na mapanganib ang ipapakita ng Argentinian sa loob ng ring.

"Mathysse is a dangerous fighter. This is the best of the best," aniya.

Noong 2008, tinalo ni Pacquiao si De La Hoya via TKO sa Las Vegas, na nagsilbeng tiket umano para magretiro ang Amerikanong boxer.

Kuwento ni Dela Hoya, "Dream come true" umano para kay Mathysse na makalaban ang 8-division world champion na si Pacquiao. 

Gusto ring makalaban ni Pacquiao si Mathysse "I chose Mathysse because he is a fighter. Me and him fighting in the ring will create a lot of actions," aniya. 

Pamilya ni Pacman, halu-halo ang emosyon

Halu-halo ang emosiyon ng pamilya ni Pacquiao na kumpletong dadalo sa darating na laban nito.

Hindi kinakabahan ang asawa niyang si Jinkee sa laban nito. 

Samantala, kinakabahan ang panganay ni Pacquiao na si Jimuel, na huling nanood ng laban ng kaniyang ama noong 2016. Ngunit excited siya at kumpiyansa siyang mananalo ang kaniyang ama.

"Excited and nervous kami. He's ready to go and I think he's gonna win," aniya.

Kumpiyansa ang mga kababatang kapatid ni Jimuel na sina Princess at Queenie na makakamit ni Pacquiao ang tagumpay sa Linggo.

"All things can happen. He might win or lose but that's ok. He can win, there are possibilities," sabi ng 9-taong-gulang na si Queenie. 

'All systems go' para sa labanang Pacquiao-Mathysse

Inaasahang dadalo ang ilang malalaking personalidad, at maging si Pangulong Rodrigo Duterte na kapartido ni Pacquiao, sa laban. 

Ayon sa sariling promoter ni Pacquiao na MP Promotions, inaasahang dadalo ang ilan sa mga matataas na opisyal sa Pilipinas. 

Bukod dito, inaasahan ding dadalo ang ilang lokal na artista at mga sa laban.

"May senators, congressmen, undersecretaries, councilors, mayors, and governors sa lahat ng parts ng government natin meron manunuod. [Sa mga artista naman] halos lahat from the Philippines... abangan niyo na lang, marami eh. Most of the royal families in different parts of Malaysia confirmed already so it's a very big event," sabi ni Stephanie Rolle Domingo ng MP Promotions. 

Apat na world title matches ang nakataya sa unang boxing promotion ni Pacquiao kasama ang ilang boksingero mula sa Mexico, China, Pakistan, India, Indonesia, Pilipinas, at Australia. 

Nakahanda na rin ang security personnel at police booth para sa darating na laban. 

"We employed a lot of security for the fight and we coordinated with the Malaysian police to deploy 1,000 policemen outside Axiata. We're also going to have a police booth inside the arena so if anything happens we will pass everything to the police," ayon sa MP Promotions security head na si Edward Lura.

Gaganapin ang weigh-in sa umaga ng Hulyo 14 sa Mitec Center sa Malaysia, isang araw bago ang pagtataya para sa WBO welterweight championship sa Axiata Arena sa Kuala Lumpur.

-- Ulat ni Dyan Castillejo, ABS-CBN News.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.