Pacquiao pinag-iingat ng mga analyst sa kamao ni Thurman

ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2019 09:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hati ang pananaw ng ilang boxing analyst sa kalalabasan ng bakbakan nina Manny Pacquiao at Amerikanong boxer na si Keith Thurman.

Sa kaniyang media day sa Wild Card Gym sa California, nagpakitang-gilas ang binansagang "Pambansang Kamao" ng Pilipinas sa kaniyang mabibilis na kamao at footwork.

Para sa ilang analyst, gaya ni Jaime Motta ng Fox Desportes, lamang pa rin si Pacquiao sa kabila ng kaniyang edad.

"Thurman isn't going to know what to do with Pacquiao's speed. I don't think he's ever faced anyone like Manny," ani Motta.

Pero ang ilang analyst, pinag-iingat si Pacquiao sa malalakas na kamao ni Thurman, na 10 taon nang hindi natatalo ng sino mang boxer.

"Keith Thurman has power. He's called 'one time' for a reason. He takes only one punch to touch you, for you to fall and hit the canvas," ani Marcos Villegas ng Fox Sports

"I saw him (Thurman) spar. He's very, very... His timing is really, really good," dagdag niya.

Sa kaniyang sariling media day sa Florida, ipinagmalaki ni Thurman na mapapatumba niya si Pacquiao sa loob ng anim na round. Kumpiyansa rin si Thurman na magiging malinis pa rin ang kaniyang record.

Batay sa pustahan ng mga sports bettors sa Las Vegas, +110 ang antas na nakuha ni Thurman, habang -140 ang nakuha ni Pacquiao.

Tingin naman ni Pacquiao na handa siya sa laban sa gitna ng puspusang training.

Gaganapin ang laban ng dalawang boksingero sa Hulyo 20 (Hulyo 21 sa Pilipinas) sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas.

-- Ulat ni Dyan Castillejo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.