Pacquiao lalong 'inspired' dahil manonood si Duterte ng laban

ABS-CBN News

Posted at Jul 10 2018 09:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Lalong ginanahan si Manny Pacquiao sa darating niyang laban kontra kay Lucas Matthysse dahil manonood si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kuala Lumpur, Malaysia.

"Salamat tayo nang malaki dahil sa suporta ng ating mahal na Pangulo at sa buong sambayanang Pilipino," saad ni Pacquiao.

"Inspired siyempre," dagdag ng boxing champ nang tanungin sa reaksiyon nang malamang manunuod ang Presidente.

Nakatakdang manood si Duterte ng laban bago makipagpulong sa punong ministro ng Malaysia.

"He's coming here to watch the fight then after that he wants to meet with the prime minister [of Malaysia]," ani Amb. Charles Jose, embahador ng Pilipinas sa Malaysia.

Mula sa General Santos ay dumating sa Malaysia si Pacquiao kasama ang kaniyang koponan, inang si Dionisia Pacquiao, at mga tagasuporta.

Kompleto rin ang pamilya Pacquiao nang dumating mula sa bakasyon ang asawang si Jinkee Pacquiao kasama ang kanilang mga anak.

"Happy ako kasi nandito sila lahat, lahat ng mga anak ko, pamilya ko nandito lahat," ani Pacquiao.

Labis din na ikinagalak ng mga Pilipino sa Malaysia ang nalalapit na laban lalo na't may deskuwento sa presyo ng ticket.

"Lahat ng mga Pilipino dito are all excited sa laban ng Filipino pride na si Pacquaio and we are really looking forward na makapanood," ani Ina Muñoz, overseas Filipino worker (OFW) sa Malaysia.

-- Ulat ni Dyan Castillejo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.