Black Eyed Peas magtatanghal sa PH hosting ng SEA Games

ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2019 05:04 PM

Black Eyed Peas magtatanghal sa PH hosting ng SEA Games 1
Fil-American celebrity Apl de Ap of the Black Eyed Peas at a guesting on ANC's Shoptalk on June 8, 2018. Fernando G. Sepe Jr., ABS-CBN News/File

MANILA – Sasamahan ng sikat na grupo na The Black Eyed Peas ang mga atletang lalahok sa 2019 Southeast Asian Games sa closing ceremony ng kompetisyon dito sa bansa, ayon sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA).

Sa panayam kay BCDA president Vince Dizon ng CNN Philippines, isa sa mga inaasahang magtatanghal sa pagtatapos ng biennial meet ay ang grupo na kinabibilangan ng Filipino-American singer na si Apl de Ap na tubong Pampanga. 

“I heard Black Eyed Peas will be performing in the closing ceremony. Apl de Ap is from Pampanga, we are really excited about that,” pahayag ni Dizon. 

Ayon kay Dizon, sa New Clark City stadium sa Capas, Tarlac isasara ang SEA Games pagkatapos ng halos dalawang linggong kompetisyon. Habang sa Philippine Arena sa Bulacan, magbubukas ang labanan. 

Nakatakdang ganapin sa bansa ang SEA Games sa darating na Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11. 

Malapit na aniyang matapos ang mga pasilidad na gagamitin sa regional meet sa Tarlac. 

“For the stadium we are about at 96 percent. As you can see the track [oval] is finished,” ani Dizon. 

Inaasahang matatapos na umano ito bago mag-Agosto. Nasa 85 porsiyento na rin na tapos ang Aquatics Center kung saan gaganapin ang swimming at diving events. 

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.