Matapos maayos ang pinagkasunduang pera, Pacquiao-Matthysse tuloy na: ulat

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2018 05:17 AM

Tuloy na tuloy na ang labanang Manny Pacquiao-Lucas Matthysse. File/Reuters

Muntik nang hindi lumipad ang Argentinean world champion na si Lucas Matthysse patungo sa Kuala Lumpur para sa nalalapit niyang world welterweight title defense laban kay Manny Pacquiao.

Ito ay kung hindi natupad ng kampo ni Pacquiao ang pangakong kokompletuhin na ang kanilang bayad kay Matthysse nitong Martes (Lunes sa US) na ipapadala sa escrow account ng Golden Boy Promotions.

Kinumpirma ni Eric Gomez ng Golden Boy Promotions na siyang humahawak ng promotional rights ni Matthysse na kumpleto na sa bayarin ang MP Promotions ni Pacquiao.

"The money is in place. The money was supposed to be in an escrow account in the US and now everything is good. It's customary practice when you are fighting overseas to have the money in an escrow account and now the money is there,” sabi ni Gomez sa artikulong lumabas sa ESPN sa Amerika. 

“We're excited to be working with Manny and his company, MP Promotions, and commend him for putting this fight together and making sure it comes off."

(Nariyan na ang pera. Maayos na ang lahat. Nakaugalian na kapag may laban sa ibang bansa na nakalagay ang pera sa isang escrow account at ngayo'y nariyan na ang pera. Nasasabik kaming makatrabaho si Manny at ang kaniyang kompanyang MP Promotions. Hanga rin kami sa kaniya sa pagbuo ng laban na ito at pagtitiyak na matutuloy ito.)

Inireport ni Dan Rafael sa ESPN na nauna nang binayaran ng MP Promotions ng $500,000 ang kampo ni Matthysse para ipantustos sa kaniyang training camp at panggastos sa media tour.

Pero hindi umano nasunod ng MP Promotions ang deadline para mabuo ang sinasabing $2 million para kay Matthysse nitong nakaraang 2 buwan kung kaya nag-alanganin na matuloy pa ang laban.

Nagawa namang makompleto ang bayarin nitong Lunes kung kaya siniguro ni Gomez na lilipad mula US papuntang Kuala Lumpur si Matthyse sa Miyerkoles (Martes, US time).

"The fight's a go. There were some bumps in the road but everything is now in order and we're excited. It's a great opportunity for Lucas," ani Gomez. 

"This is his dream fight. It's the fight he's been talking about for five years now. Anytime you can fight a legend like Manny Pacquiao it's a win.”

(Tuloy na ang laban. Naayos na ang lahat ngayon at nasasabik na kami. Magandang oportunidad ito para kay Lucas. Pangarap niya ang laban na ito. Limang taon niyang sinasabi ang tungkol sa laban na ito. Maituturing na isang panalo ang magkaroon ng laban sa alamat na si Manny Pacquiao.)

Sinabi rin ni Bob Arum sa ESPN na natustusan na rin ng kampo ni Pacquiao ang gastusin para sa production costs, commercial at marketing costs na kakailanganin para maiere ang laban sa US.

(For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.)

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.