PatrolPH

Pacquiao bumiyahe na patungo sa US para mag-ensayo kontra Spence

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2021 11:35 PM

Kanya-kanyang kuha ng larawan gamit ang kanilang mga cellphone ang mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport nang dumating si Senator Manny Pacquiao, Sabado ng gabi.

Patungo si Pacquiao sa Amerika para paghandaan ang laban niya kontra Errol Spence na gaganapin sa Las Vegas sa August 22.

Mabilis na pumasok sa loob ng paliparan at hindi na nagpaunlak ng panayam si Pacquiao ngunit bumati sa ilang naghintay na fans.

Bago tumulak patungong Los Angeles, nagsagawa muna ng press conference si Pacquiao kung saan isiniwalat niya ang umano’y nawawalang P10.4-bilyon pondo sa ilalim ng social amelioration program (SAP).

Dahil sa nawawala umanong pondo, 1.3 milyong benepisyaryo ang hindi nakalasap ng ayuda sa panahon ng pandemya. 

"Nalulula po ako. Doon po sa binanggit ko na isang isyu lamang P10.4 billion na po kaagad ‘yon. Malaking pera po,” ani Pacquiao sa isang virtual conference bago tumulak pa-Amerika para sa kaniyang laban. 

Kinuwestiyon din ni Pacquiao ang paggamit ng Starpay e-wallet sa pamamamahagi ng SAP. 

Maganda naman ang layunin ng paggamit ng serbisyo para sa pamamahagi ng ayuda. Pero aniya ang problema ay napasukan ito ng katiwalian. 

Tumanggi rin si Pacquiao na pinopolitika niya ang sitwasyon, sa harap ng nalalapit na halalan. 

Wala aniyang kaugnayan ito sa kung ano man ang plano niya sa politika sa susunod na taon at iginiit niya ring hindi niya sinusubukang galitin si Duterte. — Ulat nina Jeffrey Hernaez at Johnson Manabat, ABS-CBN News

KAUGNAY NA VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.