FIBA World Cup: Gilas vs Australia, nauwi sa rambol; 9 players ng Gilas, na-eject

ABS-CBN News

Posted at Jul 02 2018 10:05 PM | Updated as of Jul 03 2018 09:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nauwi sa rambol ang 2019 FIBA World Cup qualifying game sa pagitan ng Gilas Pilipinas at Awstralya nitong Lunes sa Philippine Arena sa Bulacan.

Kalagitnaan ng third quarter nang magkapisikalan sa laro sina RR Pogoy at shooting guard na si Chris Goulding.

Mistulang tumugon si Daniel Kickert sa nangyari at gumanti kay Pogoy na natumba sa ginawa ng Awstralyanong power forward.

Doon na nagkagulo at nagpalitan na ng suntok at sipa ang dalawang koponan.

Kinailangan nang rumesponde ang security team ng Philippine Arena para mapigilan ang mga nagpang-abot na atleta.

Dahil sa gulo, ipinataw ang disqualifying foul kina Terrence Romeo, Carl Bryan Cruz, Jayson Castro, Calvin Abueva, Andray Blatche, Pogoy, Troy Rosario, Matthew Wright, at Japeth Aguilar.

Apat na manlalaro naman mula sa Awstralya ang pinatawan ng kaparehas na parusa.

Halos wala nang natira sa Gilas, kaya tatlong players na lang ang humarap sa lima ng Australia sa pagpapatuloy ng basketball game.

Nag-foul out pa June Mar Fajardo bago matapos ang third quarter.

Bago nangyari ang rambol, tambak ang Gilas sa Awstralya sa iskor na 79-48.

-- Ulat nina Camille Naredo at Migs Bustos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.