PBA: Sa pagtulong sa kapwa, Troy Rosario inalala ang hirap ng buhay sa probinsiya

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2020 09:26 PM

Hindi lingid sa marami na isa si Troy Rosario sa mga PBA player na tuloy tuloy na nagpapaabot ng tulong sa mga nangangailangan ngayong panahon ng pandemya.

"Nakakita nga ako ng mga homeless, tapos parang naalala ko 'yung sarili ko, kasi minsan din akong hindi kumain. Grade school o high school yata, isang beses lang ako kumain kasi nga sa sobrang hirap ng buhay sa probinsya," kuwento ni Rosario sa panayam sa "2OT.

"Sa dami ng hirap na naranasan ko sa probinsya sinabi ko sa sarili ko sawa na'ko sa hirap kaya gusto kong umangat."

Dagdag ni Rosario, isinugal na raw ng pamilya niya ang natitirang pera para lang matulungan siyang makapagsapalaran sa Maynila.

" 'Yung natitirang binhi namin talagang binenta para may pamasahe ako. Naaalala ko pa P2,000 lang 'yun. Tinaya talaga para sa akin kaya alam ko 'yung pakiramdam nu'ng wala," aniya.

Pero hindi rin daw naging madali ang buhay niya sa Maynila. Dahil 15 anyos pa lang siya noon, hindi niya maiwasang ma-homesick.

"May school akong pinuntahan bago mag-National University. Nag-stay ako ng 2 years doon, tapos medyo hindi maganda ang exit ko. Sobrang hirap kasi 15 years old na ko nu'ng nagpunta ako'ng Manila. Umiiyak ako sa dorm," ani Rosario.

Dumagdag pa sa kanyang alalahanin ang pagkakasakit ng nanay niya.

"Nalaman kong may cancer ang nanay ko, so sabi ko kailangang umangat ako . . . Talagang gusto ko nang umuwi nu'ng malaman kong may sakit nanay ko, dinala sa hospital ang nanay ko," aniya.

Nakatanggap naman siya ng tulong mula sa may ari ng SM at NU na si Hans Sy para sa pagpapagamot ng nanay niya.

Kalaunan ay nakasama siya sa national team. Pero may bahid daw ng pait ito dahil sumakabilang buhay naman ang kanyang nanay.

Wala na rin daw siya sa dating school kaya napagpasyahan niyang sumama na ng NU.

"Kapag sinasabi kong National University ako nag-aaral, and tanong agad sa akin, 'Saan 'yun?' " paggunita ni Rosario. 

"Sabi ko balang araw makikilala rin 'yung National University, which is 'yun nga nagawa namin after 60 years na hindi nag champion, napa-champion namin tapos talagang 'yung school talagang nag-improve."

Sa ngayon, tuluyan na siyang umunlad bilang parte ng TNT KaTropa sa PBA at ng Gilas Pilipinas.

"Kaya ang laking pasasalamat ko sa Panginoon talagang ginuide ako, kahit mag-isa ako dito," kuwento ni Rosario.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.