Jayvee Sumagaysay ng UST, nagtayo ng food business habang quarantine

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2020 12:12 PM | Updated as of Jun 29 2020 01:52 PM

May bagong pinagkakaabalahan ang volleyball player na si Jayvee Sumagaysay habang hindi pa pwedeng maglaro dahil sa COVID-19 pandemic.

Nagtayo si Sumagaysay ng sariling food business na tinawag niyang Sherep, sa tulong ng kanyang kuya na isang chef.

"Dahil ang tagal kong naglalaro, hinanap ko 'yung, 'Ay eto 'yung pahinga ko, makapag-relax muna'," ani Sumagaysay. "Pero noong ilang months na rin, parang nakakasawa na, so naghahanap ka ng bago."

"Doon ko naisip na magtayo ng business. Ang food business ko, ang name niya is 'Sherep."

Ayon kay Sumagaysay, tinatrato niya ang kaniyang food business gaya nag pagtrato niya sa paglalaro ng volleyball. Ang dating manlalaro ng University of Santo Tomas ang siyang namimili sa palengke tuwing gabi at gumigising ng madaling araw para tulungan ang kaniyang kuya sa pagluluto.

Si Sumagaysay rin ang nagsisilbing "delivery boy" ng sarili niyang negosyo.

"Ako din 'yung nagde-deliver ng food, ako ang delivery boy ng sarili kong business. Binabahay-bahay ko din," pahayag ni Sumagaysay. "Nagugulat sila, 'Kuya, ikaw talaga.' 'Yun ang first impression, akala nila joke lang 'yung post ko na ako ang magde-deliver."

Noong nakaraang linggo, naaksidente si Sumagaysay habang nagde-deliver ng mga order. 

"Naabutan ako ng ulan," kwento ng manlalaro. "Ayun, nag-slide ako sa daan, muntik na ako ma-hit ng 16-wheeler na truck. Napaka-imposible ng nangyari sa akin kasi wala akong galos pero 'yung motor ko nag-suffer talaga."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.