‘Nakaka-overwhelm’: Kiefer Ravena ‘gigil’ na makabalik sa paglalaro ng basketball

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2019 05:47 PM

Inamin ni rising PBA star Kiefer Ravena na "gigil" siyang makabalik sa paglalaro ng basketball matapos ang higit isang taong suspensiyon.

Kasalukuyan pang binubuno ni Ravena ang 18-month FIBA suspension na matatapos sa Agosto 24, pero pinayagan na siyang sumali sa team practices para sa NLEX at sa Gilas Pilipinas.

"Siyempre masarap ang pakiramdam kasi matagal din inantay at matagal din nakapagpahinga. May gigil factor na nakapaglaro ng basketball after a long while," kuwento ni Ravena sa "Fast Break" sa DZMM nitong Sabado.

"Kasi habambuhay simula nu’ng bata ako ’yun ang nilalaro ko, to take that away from me and to finally get it back kahit ’yung practice lang, OK na talaga. Sobrang nakaka-overwhelm."

Sinuspinde si Ravena ng FIBA matapos magpositibo sa mga substance na ipinagbabawal ng World Anti-Doping Agency.

Dahil dito pinagbawalan siyang lumahok sa mga laro, kahit mga team practice.

Pero sa kabila ng suspensyon, pinanatili niyang nasa maayos na kondisyon ang pangangatawan.

"The least I can do is take care of my body, even be in better shape than before para pagbalik ko makakasabay ako agad, makakapag-practice at a high level," aniya.

Pero nang tanungin naman siya kung may balak siyang sundan sa pag-aartista ang kanyang girlfriend at volleyball star na si Alyssa Valdez, natawa ang PBA star.

"Hindi para sa ’tin ’yan. Basketbol na lang tayo. Matagal pa ’yan. Tignan natin," sagot niya. 

(For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.)

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.