'Binayaran sila': Pacquiao camp, nilinaw ang isyung pera sa Matthysse fight

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2018 09:40 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Tiniyak ng MP Promotions na tuloy ang bakbakan nina Manny Pacquiao at Argentinian fighter Lucas Matthysse sa susunod na buwan matapos mapaulat ang mga isyu sa promotion ng laban.

Sa panayam noong gabi ng Martes kay Arnold Vegafria, business head ng MP Promotions, sinabi nitong walang dahilan para hindi matuloy ang world title fight.

"Definitely confirmed ang fight. There's no reason para hindi matuloy ang fight. I don't know kung saan nanggaling ang mga rumors na ito," ani Vegafria.

Unang sinabi ng coach ni Matthysse na si Joel Diaz na may mga hindi pa nalilinaw sa usapin sa pera para sa laban.

Nilinaw ni Vegafria na nabayaran na ang kampo ni Matthysse ayon sa kontrata.

"The first time binayaran sila upon signing the contract. The second [tranche] was given last week... the final [tranche], before sila umalis papuntang Malaysia," paliwanag ni Vegafria.

Sinagot din ni Vegafria ang komento ng kampo ni Matthysse na wala pa silang nakikitang TV commercial sa Amerika tungkol sa nalalapit na pagtutuos.

Responsibilidad daw ito ng boxing promotion company na Top Rank, na may hawak sa distribution ng TV rights ng laban sa Amerika.

"Ang Top Rank wants to get the TV rights for United States and other US territories so we awarded to them. April pa lang awarded sa kanila. So I think responsibility nila," aniya.

Pinawi rin ni Pacquiao ang mga pangambang hindi matutuloy ang laban.

"Bago sila magpunta ng Malaysia, bayad sila lahat," ani Pacquiao.

Sa ngayon, puspusan ang pag-eensayo ni Pacquiao sa General Santos City.

Hindi umano niya minamaliit ang kakayahan ng kalaban.

"Ayaw natin i-underestimate ang kalaban natin. Malaki ang percentage na hindi matapos ng 12 rounds itong fight na 'to," ani Pacquiao.

Nakatakdang bumiyahe ang kampo ni Matthysse sa Malaysia sa unang linggo ng Hulyo para maka-adjust sa oras, habang Hulyo 9 naman ang lipad nina Pacquiao.

Sa Hulyo 15 nakatakda ang laban nina Pacquiao at Matthysse sa Axiata Arena sa Kuala Lumpur.

-- Ulat ni Dyan Castillejo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.