Lakas ng suntok ni Pacquiao, susubukan ang kumpyansa ni Terence Crawford

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2020 08:25 PM | Updated as of Jun 24 2020 09:00 PM

Naniniwala si world champion Jerwin Ancajas sa kakayahan ng kaniyang idol na si Manny Pacquiao na manatiling maging kampeon sa kabila ng kaniyang edad na 41.

Ito ay kahit pa makaharap pa ng 8-weight-division champion ang mas batang si Terence Crawford, 32.

"Napakahirap din i-predict yung laban nila kasi alam naman natin batang-bata ni Crawford, pero naniniwala pa rin po ako sa kakayahan ni sir Manny," ani Ancajas sa isang online forum. 

Kasalukuyang pinaplantsa ni Top Rank Inc. executive Bob Arum ang labanang Pacquiao-Crawford na maaaring maganap kapag ligtas nang lumaban si Pacquiao sa panahon ng COVID-19.

Si Pacquiao ang may hawak ng WBA welterweight title, samantalang si Crawford naman ang may tangan ng sinturon ng WBO.

Ayon kay Ancajas, ang reigning IBF junior bantamweight champion, baka matulad si Crawford sa mga ibang nakalaban ng "Pambansang Kamao."

"Baka pagdating ng rounds niyan, baka tatakbo na naman," ayon kay Ancajas. "Depende na lang yan pagdating nila sa ring."

"Iba kasi yung lakas at yung sakit kapag sumuntok si sir Manny, makikita mo talaga yung makakalaban ni sir Manny, talagang umaatras."

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.