PatrolPH

PBA: Ang tanging weakness ni ‘Black Superman’ Billy Ray Bates, ayon kay Fabiosa

ABS-CBN News

Posted at Jun 18 2020 12:26 AM

Para kay PBA legend Bernie Fabiosa maituturing na isa sa mga pinakamahusay na import sa kasaysayan ng liga si Crispa Redmanizers reinforcement Billy Ray Bates.

Si Bates, na lumaro rin sa Portland Trailblazers at LA Lakers sa NBA, ay isa sa mga dahilan kung bakit nakuha ng Crispa ang kanilang ikalawang PBA Grand Slam noong 1983.

Ngunit di lang sa kaniyang pagda-dunk kaya siya binansagang "Black Superman."

"Si Billy Ray Bates noong araw, dumating sa quarters 'yan may dalang Lakers uniform tsaka bola ng NBA. Talagang original," kuwento ni Fabiosa sa isang panayam sa "An Eternity of Basketball." 

"Minsan nagtitripping 'yan, 'yung kotse na liftback ni Mon Cruz, binuhat niyan. Nagulat kami. Umalsa talagang ganu'n 'yung liftback."

Pati sa takbuhan, walang nakakatalo kay Bates.

"Isipin mo nu'ng nagja-jogging kami, si Tito Varela malakas na 'yun kasi marathoner 'yun, suko si Tito Varela," dagdag pa ni Fabiosa.

Pero sabi ni Fabiosa talagang bisyo na ni Bates noon pa man ang pag-inom.

"Sabi ni coach Tommy (Manotoc), alam kong alcoholic ka basta bawasan mo lang. Ang gusto ko lang 'pag naglaro ka kailangan 100 percent," ani Fabiosa. 

"Jogging na kami, may dala siyang juice. Iinom 'yan tapos takbo na naman. Mamaya maamoy mo amoy chico.

"(Sabi namin), 'Billy you smell.' Sabi n'ya, 'Don't say that to coach'."

Di naman naging hadlang ang bisyo ni Bates sa kaniyang paglalaro, ngunit sa kalaunan napunta ang kaniyang pera sa pagtustos sa bisyo.

Naging 4-time PBA champion siya, bukod sa nakapag-uwi rin ng 4 na Best Import award.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.