MPBL: Mandaluyong coach, aminadong nagkumpiyansa sila kontra Munti

Dennis Gasgonia, ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2018 02:48 AM

Inalat ang simula ng Mandaluyong El Tigre sa MPBL Datu Cup nang padapain sila ng Muntinlupa Cagers sa Araneta Coliseum noong Martes. Mark Demayo, ABS-CBN News

Inalat ang simula ng Mandaluyong El Tigre sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Datu Cup nang padapain sila ng Muntinlupa Cagers sa Araneta Coliseum noong Martes.

Aminado si Mandaluyong coach Mac Cuan na nagkumpiyansa sila laban sa Cagers na finalist sa nakaraang Rajah Cup.

“I think we came into the game overconfident. We just weren’t ready to play. We’re flat, effort-wise it wasn’t there, we started missing out shots,” ani Cuan matapos ang 86-74 nilang talo.

Nagtala si 2-time ASEAN Basketball League MVP Ray Parks Jr. ng 21 points at 10 rebounds para sa El Tigre, ngunit mas balance naman ang atake ng Cagers na pinangunahan nina Allan Mangahas, Chito Jaime at Felix Apreku.

“ ’Yung kabila started making their shots, got confident from there nahirapan na kami maka-recover,” sabi ni Cuan.

Kapansin pansin na wala sa laro ang celebrity player ng Mandaluyong na si Xian Lim.

Ayon kay Cuan, may prior commitment ang aktor noong gabing iyon.

“May shooting daw siya, ang alam ko two weeks ang shooting niya. Pero I think next game makakasali na siya,” ayon sa coach.

Hindi naman daw problema iyon dahil marami namang pupuno sa posisyon ni Lim.

“Sa position naman niya marami namang makaka-take over, bale power forward siya,” ani Cuan.

(For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.)

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.