Weightlifting: Hidilyn Diaz, isinasantabi na ang batikos sa isyu ng training funds

Chrisel Almonia, ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2019 07:31 PM

ZAMBOANGA CITY—Isinantabi na ng Asian Games weightlifting champion at Olympic silver medalist na si Hidilyn Diaz ang mga pagbatikos laban sa kaniya matapos niyang subukang humingi ng mas malaking pondo para sa kaniyang paghahanda sa 2020 Olympics.

"After those issues, no comment na ako doon," sabi ni Diaz. "As an athlete I need to focus training."

"'Yung problema ko as an athlete is 'yung pain sa training, determination and everything, 'yung gagawin mong lahat sa training and 'yung sakit kasi if you don't reach the goals and then you have to go back," dagdag niya.

Noong nakaraang linggo ay nag-viral ang post ng atleta na humihingi ng tulong pinansyal para sa kanyang training at ibang gastusin para sa Tokyo 2020 Olympics.

"Is it OK to ask sponsorship sa mga private companies towards Tokyo 2020? Hirap na hirap na ako," sabi ng weightlifter sa isang post.

Binatikos ng mga netizen ang atleta matapos pabulaanan ng Philippine Sports Commission (PSC) na walang pondo si Diaz dahil gumastos umano ang gobyerno ng P4.5 milyon para sa kaniyang training sa China.

Bukod pa dito ang suweldo at allowance na tinatanggap ng kaniyang coach na si Julius Kaiwen Gao.

Nakatanggap din si Diaz ng P3 milyon mula sa pamahalaan bilang gantimpala sa pagkapanalo niya sa 2017 Asian Indoor and Martial Arts Games at 2018 Asian Games.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.