MPBL Lakan Cup, mapapanood sa ABS-CBN S+A, Liga, at iWant

ABS-CBN News

Posted at Jun 10 2019 05:59 PM

MANILA, Philippines – Magsisimula na ang mainit na aksyon sa loob ng hardcourt sa pagbubukas ng ikatlong season ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) ngayong Araw ng Kalayaan.

Magbubukas ang MPBL Lakan Cup sa Mall of Asia Arena sa Pasay City ngayong Hunyo 12.

Isang double-header ang handog ng liga para sa bagong season, kung saan maglalaban ang Basilan Steel at baguhang Bicol Volcanoes ng 6 p.m., na susundan naman ng Davao Occidental Tigers kontra Zamboanga Family's Brand Sardines ng 8 p.m.

Kasalukuyang aabot sa 31 na koponan ang kabilang sa MPBL Lakan Cup kasama ang mga bagong kasali na Nueva Ecija, Bicol, at Mindoro mula Luzon, Iloilo sa Visayas, at Sarangani mula Mindanao. Hindi muna sasali ang Mandaluyong El-Tigre ngayong taon.

Nasaksihan sa nakalipas na mga taon ang pag-angat ng tinaguriang "Liga Ng Bawat Pilipino," na ibinibida ang iba-ibang lugar sa Pilipinas at binibigyan ng pagkakataon ang mga bagong talento sa basketball.

Laging dinadagsa ang mga laro nito dahil sa mga nais suportahan ang kanilang mga pambato. Minamahal din ng mga atleta ang mismong liga dahil sa fans nito at pagkakataong makapaglaro ng sport na kanilang mahal.

"Iba 'yung mag-represent ka ng sarili mong kinalakihan, or siyudad, parang ito sa Bacoor, kung saan ako isang homegrown na manlalaro. Mas may bigat 'yung bawat tapak namin sa court para sa fans na walang pagod mag-cheer sa amin," bahagi ni Datu Cup MVP Gab Banal ng Bacoor Strikers.

Para kay Arvin Tolentino, na kakagraduate lamang bilang miyembro ng Far Eastern University Tamaraws at napipintong maglaro para sa Batangas Athletics, magiging hakbang ang pagsali sa MPBL upang lalo pang maging pulido ang kanyang laro.

"Tinitignan ko itong MPBL bilang pagkakataon na mapahusay pa yung sarili ko at makalaro yung mga dating pinapanood ko lang sa TV, o kaya naman nakalaban na, tulad ni Alvin Pasaol," sabi niya sa isang interview.

"'Yung MPBL, dito mo makikita kung sino talaga 'yung may kaya maglaro at karapat-dapat na mapanood 'yung mga talent, kumbaga, dito mo makikita kung kaya mo makipagsabayan sa mga magagaling," bahagi naman ng Cebuano star at showman na si Eloy Poligrates.

Simula sa paparating na MPBL Lakan Cup, ipapalabas na rin ang mga laro sa MPBL sa LIGA at LIGA HD sa cable, sa ibang bansa sa TFC, at livestreaming sa iWant at TFC Online (www.tfc.tv) bukod sa S+A at S+A HD.

Para sa mga balita sa MPBL, sundan ang @ABSCBNSports sa Facebook, Twitter, at Instagram o bumisita sa sports.abs-cbn.com.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, pumunta sa website ng ABS-CBN Sports.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.