PBA: Jaworski walang trademark shot? Arnaiz sinagot ang pambabash ni Atoy Co

ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2020 01:46 AM

Maaaring walang pinasikat na isang offensive move si Robert "Sonny" Jaworski noong naglalaro pa siya sa PBA, pero jack of all trades naman ang tinaguriang "Living Legend" ng Philippine basketball. 

Ito ang tugon ni Francis Arnaiz, teammate ni Jaworski sa Toyota at Ginebra, sa naging opinyon ni Atoy Co, na tila minaliit ang scoring ability ni Jaworski sa isang panayam kamakailan.

Naging mainit na magkaribal sa PBA ang Toyota nina Jaworski at Arnaiz, at ang Crispa ni Co.

"I think there was an issue about somebody saying that wala namang specialty shot or something (si Jaworski). Nothing against Atoy, but you must remember Sonny was all over," paliwanag ni Arnaiz sa isang panayam sa "An Eternity of Basketball".

Ayon kay Co, walang maipagmamalaking trademark move si Jaworski, hindi tulad nina sharp-shooter Allan Caidic at "Skywalker" Samboy Lim.

"Ano ang trademark na move niya? Ako ang sasagot noon. Ang trademark nu'n mangarate bago ko tumira. Ang laki pa naman ng kamay noon," dagdag ni Co.

Depensa ni Arnaiz, all-around player naman si Jaworski.

"He could rebound, assist, shoot three points, go for the drive. Kung saan siya kailangan doon siya," pag-alaala ni Arnaiz. 

"People call me 'Mr. Clutch' but I think he was Mr. Clutch before me. Maybe wala siyang specialty, kasi lahat speciality niya."

Dagdag ni Arnaiz, ang maituturing daw na tunay na ambag ni "Big J" sa liga ay ang kaniyang "never say die" spirit.

"The one responsible for the Ginebra spirit is Sonny Jaworski, no doubt," aniya.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.