MAYNILA -- Idadaraos ngayong Hunyo ang kauna-unahang E-Palarong Pambansa na layong bigyan ang mga grassroots players ng tsansang i-representa ang kanilang mga lungsod sa national esports competition.
Ang mga kasaling laro sa torneyo ay ang League of Legends, Valorant, League of Legends Wild Rift, Mobile Legends: Bang Bang at Call of Duty mobile, na pawang mga pinili sa pamamagitan ng isang fan-based poll.
Bukas ang kompetisyon sa lahat ng manlalaro na nasa edad 12 hanggang 30 anyos. Dapat ding residente ng lugar na kinakatawan, ayon sa mga organizer.
Ayon sa organizer na si Jam Montehermoso, bawal ang mga professional players sa E-Palarong Pambansa, para mapagbigyan ng pansin ang mga grassroots players.
"This will give amateur players a chance to be discovered and to compete," ani Montehermoso.
Nagsasagawa na ng qualifiers ang E-Palarong Pambansa sa iba't ibang bahagi ng bansa.
Ayon sa coordinator ng Quezon City na si James Afante, aabot sa 700 manlalaro ang nagpalista pero 25 lang ang mapipili.
Para naman sa esports enthusiast at shoutcaster na si Paolo Barcelon, panahon na para magdaos ng isang pambansang torneyo. Iba daw kasi ang galing ng Pinoy sa esports at lahat puwede maglaro kahit nasaan pa siya.
"Mas lumakas ang presensya ng Pilipinas sa esports because of the access that people have to video games everything is just in the palm of your hand supposed to before na nagbabayad ka pa o bibili ka ng console para makapag-laro," ani Barcelon.
Hanggang Hunyo 2 maaaring magsumite ng final lineup ang mga lineup ang mga lungsod na nais sumali sa E-Palarong Pambansa.
-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.