[CMSAbstractTransformation.DataBind]: Object reference not set to an instance of an object.

NBA Finals: Kailangan pa ba ng Warriors si Durant para talunin ang Raptors?

ABS-CBN News

Posted at May 31 2019 06:54 AM

Kasalukuyan pang nagpapagaling sa calf strain si Kevin Durant at kinompirma na ng Warriors na out siya sa Game 1 at malamang din sa Game 2 dahil sa naturang injury. Troy Taormina, USA Today Sports/Reuters

May pag-asa pa bang makita muli ng mga fans si Kevin Durant na naka Golden State Warriors jersey?

Kasalukuyan pang nagpapagaling sa calf strain ang 2014 MVP at 2-time Finals MVP, at kinompirma na ng Warriors na out siya sa Game 1 at malamang din sa Game 2 dahil sa naturang injury.

Simula pa noong May 8 di nakakapaglaro si Durant, sa kalagitnaan ng Western semifinal round kalaban ang Houston Rockets.

Maaaring iyon na rin ang huling beses niyang suot ang Warriors uniform, sakaling di makabalik si Durant sa serye kontra Raptors at magdesisyon siyang lumipat ng team sa darating na free agency.

Ayon kay Warriors head coach Steve Kerr, di pa rin nakakapag-ensayo si Durant kasama ang team, kahit na kasama siyang bumiyahe sa Toronto.

"We'll see where it goes from here. This is where the fact that there's a lot of days in between games during the Finals helps us, so we'll see," aniya sa report ng USA Today.

May mga haka-hakang mas pipiliin ng Warriors na paupuin na lang si Durant sa kabuuan ng Finals, kung hindi rin lang naman siya 100%, dahil nagawa naman nilang dispatsahin ang Rockets at Portland Trailblazers na wala si Durant.

Pinabulaanan naman ni Durant at ng kaniyang mga kakampi ang nasabing spekulasyon.

"As a player, I think about that (and) I'm just like, 'That's not true.’ That's not facts when it comes from a basketball perspective," ani Durant.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.