UAAP: Magsanoc sa kampeonato ng Fighting Maroons — Dahil iyon kay Benjie Paras

ABS-CBN News

Posted at May 30 2020 11:58 PM | Updated as of May 31 2020 01:23 AM

Sa pagbalik-tanaw ni Ronnie Magsanoc sa karera niya sa basketbol, di maiiwasang masama sa usapan si Benjie Paras, na naging playing partner niya sa University of the Philippines at sa PBA.

Ayon sa tinaguriang “Point Laureate”, hindi pangkaraniwan ang big man gaya ni Paras noong 1980s.

“Maraming kumukuha kay Benjie noon. Sino ba namang hindi kukuha kay Benjie? Saan ka ba naman nakakita ng 6-3 . . . talagang iba ang lakas niya. ’Pag tumalon walang bwelo, at nagbi-build na siya ng katawan. Walang naging sentrong ganyan ang UP in many years,” pag-alaala ni Magsanoc sa isang online interview.

“He’s a physical specimen at ’pag kasama mo alam mong may laban kayo.”

Dagdag ng premyadong point guard: “Kung wala si Benjie, I don’t think nakarating ng malayo ang UP. 

“Benjie gave us something we have not seen and something UP has not seen. Siya talaga ang puno’t dulo kung bakit nakarating ang UP sa finals muli at we were able to go all the way. Si Benjie ang destiny, napaka-suwerte ko na nakakasama ko siya sa isang team.”

Sa PBA, muling nagtambal sina Magsanoc at Paras sa Shell. Sa tulong ni Bobby Parks, nakapanalo sila ng dalawang tropeo.

Naging matagumpay man si Magsanoc sa hard court, aminado siyang di niya inambisyong mag-PBA; ang pangarap niya ay maging doktor. 

Sa kagustuhan niyang maging iskolar kaya lang siya nagpursige sa pagiging basketbolista.

“Hindi ko akalain makukuha ako sa national team. I tried applying for a job in San Beda and UP and I was already in line to be a teacher, theology in San Beda at logic sa UP,” paggunita ni Magsanoc.

“Ganu’n lang. Ang simple lang ng akala ko gagawin ko noon, until I was given the chance to represent the country in 1986. Doon ko naisip na parang may tsansa ako.”

For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.