PatrolPH

PBA: Para kay Atoy Co, may isang malaking weakness si Jaworski sa kaniyang laro

ABS-CBN News

Posted at May 29 2020 06:01 AM

Kung ang Crispa-Toyota ang pinakamatinding rivalry sa PBA, ang harapang Atoy Co kontra Robert "Sonny" Jaworski naman ang isa sa pinakamalupit na tunggalian sa panahong iyon.

Sa katunayan, tila mainit pa rin ang tinaguriang "The Fortune Cookie" kay Big J hanggang sa ngayon.

"Anong 'do everything?' Wala nga siyang fadeaway. He doesn't score that much," ang sabi ni Co sa panayam sa isang online platform.

Kung ikukumpara raw sa ibang PBA legends, walang masasabing trademark shot si Jaworski.

"Ano ang parang trademark ni Sonny sa basketball? Let's say si Allan Caidic, the Triggerman, si Samboy Lim, Skywalker," sabi ni Co. "Hindi naman siya well-known scorer talaga."

"Ano ang trademark na move niya? Ako ang sasagot noon. Ang trademark nu'n mangarate bago ko tumira. Ang laki pa naman ng kamay noon," dagdag niya.

Ani Co, madalas gawin ito ni Jaworski sa mga binabantayan niya. "Kidding aside, wala siyang trademark."

Pero aminado naman si Co na kakaiba ang leadership ni Jawo na dinala niya hanggang makilala siya sa kaniyang "never say die" battlecry sa Barangay Ginebra.

"Si Jaworski, more on authority, siya ang nagdadala ng laro. Parang siya ang pinaka-point guard talaga," sabi ni Co. 

"At kung minsan talaga, 'pag kailangang kailangan, biglang titira siya sumu-shoot naman, di ba?"

Nilinaw ni Co na di personal ang banat niya kay Jaworski at bahagi lang ito ng pagiging magkaribal sa basketbol.

"Hanggang sa court lang 'yun, respetado ko 'yang si Lolo Sonny," ang pabiro niyang sambit.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.