Welcome to the PBA? Trash talk, sapak sumalubong kay Robert Bolick sa rookie year

ABS-CBN News

Posted at May 22 2020 10:47 PM | Updated as of May 23 2020 12:22 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naging kahanga-hanga ang unang taon sa PBA ni NorthPort guard Robert Bolick.

Naging kandidato siya sa pagka-rookie of the year matapos siyang makapagtala ng 13.5 points, 5.1 rebounds at 4.9 assists per game, bago matapos ang kampanya niya dahil sa ACL injury.

Kuwento ni Bolick, masasabing verbal at physical hazing muna ang pinagdaanan niya sa kamay ng mga kalabang beterano, isang hamong tinanggap ng dating San Beda Red Lion.

Natatawang binalikan ni Bolick ang baptism of fire niya sa PBA sa isang panayam kay Beau Belga sa programa niyang "Extra Rice" sa S+A kamakailan.

"Kinausap ako ni Ryan (Araña). Sabi niya, 'Pre, NLEX kalaban natin, si coach Yeng Guiao . . . May sasabihin sa'yo 'yan. 'Wag ka na lang mag-react," pag-alaala ni Bolick.

"Syempre ako, wala naman akong alam. First quarter, si Kevin (Alas), binubunggo ako. Sabi ko, 'Ito na siguro, ready na ako. PBA na ito.' Tapos, nakamintis ako sa may banda ni coach Yeng, sabi niya, 'Huy! Ano akala mo, Pasko parati?"

Naramdaman din niya ang pisikal na laro nina Paul Lee at Marc Barroca ng Magnolia.

"Si Mark, akala mo 'yung kamay magnanakaw. Hawak dito, hawak du'n. Hampas dito, hampas doon. Di tinatawagan," ani Bolick.

Maging si Belga, sinampolan ang rookie nang magharap ang NorthPort at Rain Or Shine.

"Ito na playoffs, Rain Or Shine. Ikaw (Belga) sinasapak mo ako sa dibdib . . . Eto na si Beau, (Jewel) Ponferrada, eto na babanat na ang mga ito. Si Gabe Norwood naman alam ko mabait. Sabi niya, 'Sorry young blood, ganu'n talaga mga teammates ko.' Sakit ng dibdib ko nu'n," ani Bolick.

Sa kasalukuyan nagpapagaling si Bolick mula sa operasyon sa kaniyang ACL.

"Enhanced na dapat ang program ko kaso dumating ang NCOV (COVID-19) kaya di natuloy. Pero ngayon normal na, hindi masakit, wala nang nararamdaman. Medyo pabor nga sa'kin 'to kasi nakakarekober ako," pahayag ni Bolick.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.