PBA: Pagkatalong iniyakan ng ‘idol’ niyang si Asi Taulava, di malilimutan ni Marc Pingris

ABS-CBN News

Posted at May 22 2020 12:50 AM

Inamin kamakailan ni Magnolia big man Marc Pingris na masugid umano siyang taga-hanga ni Asi Taulava.

Sa katunayan, ginagaya pa ni Pingris ang one-liner ng NLEX center sa isang commercial na kinabibilangan ni Taulava noong dekada 90.
 
"Kahit 'yung nagfi-free throw, 'yung 'I-miss mo,' ginagaya ko," sabi ni Pingris sa kanilang "PBA Kamustahan" podcast kasama sina June Mar Fajardo, Beau Belga, Poy Erram at commissioner Willie Marcial. 

"Every time I go out, sasabihin ko sa mga kaibigan ko, 'I-miss mo.' Game over." 

Dagdag ni Pingris: "Asi you don't know this, but you're my idol . . . I used to watch you play in the PBL (Philippine Basketball League). Grabe, you're so strong, you're a monster."

Tanda raw ni Pingris noong maiyak si Taulava matapos matalo ang kaniyang top seed Mobiline kontra No. 8 seed Ginebra noong 1999 Philippine Cup playoffs.

Rookie pa lang si Taulava noon nang mapabagsak sila ng buzzer-beating basket ni Bal David.

"I saw you crying, because I know you love the game very much. And you gave your 100 percent na gusto mo talagang manalo," sabi ni Pingris, na 18 anyos noon.

"You're my idol, you're the best, bro . . . Siguro noon, si Asi 'yung Shaquille O'Neal ng PBA." 

Bagamat nagulat si Taulava sa kuwento ni Pingris, nagpasalamat naman ang one-time PBA MVP: "Thank you, Ping."

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.