PatrolPH

PBA: Allan Caidic ginunita ang record na 79-point game — ‘I guess it was my day’

ABS-CBN News

Posted at May 21 2020 06:11 PM | Updated as of May 21 2020 06:49 PM

Kilala ang PBA legend na si Allan Caidic sa kaniyang deadly shooting touch kaya binansagan siyang "The Triggerman."

Nasa record books ng liga si Caidic matapos siyang pumukol ng 79 points sa isang laro noong Nobyembre 21, 1991, nang hinarap ng kaniyang Presto Tivoli ang Ginebra San Miguel. 

Ito ang highest single-game points total para sa isang local player.

"I wasn't supposed to play that game, pero naglaro ako," ang kuwento ni Caidic sa panayam sa isang YouTube interview

Aniya, kulang siya sa tulog noong araw na iyon dahil binabantayan niya sa ospital ang misis na manganganak na sana. Buong magdamag siyang gising pero nananatiling nasa labor ang asawa.

"Hindi ako mapakali, sabi ng doktor, 'Maglaro ka na muna. Ako na'ng bahala rito.' Nandoon naman ang mother ko at in-laws ko. Sabi, 'Sige maglaro ka na muna,' kasi tense na tense ako," paggunita ni Caidic.

Agad siyang nagpunta sa ULTRA sa Pasig at nagpakita kay Presto head coach Jimmy Mariano.

Nagpaalam siya na kung maaaring umupo na lang siya muna sa bench dahil napuyat sa ospital.

"Pero siyempre hindi mo pa rin maalis ang mind mo sa wife mo... 
Pagdating ng malapit mag-end ng quarter nagtanong si coach Jimmy, 'Gusto mong maglaro?' Since nandoon naman ako sabi ko, 'Sige maglaro ako'," kuwento ni Caidic.

Naging mainit ang kamay niya noong second quarter kung saan naka-score siya ng 27 points.

Napansin ito ng kaniyang teammate na si Abe King. Siya ang nagsabi sa team na bumuo sila ng record para mabasag nila ang record na 15 3-pointers na gawa rin ni Caidic.

"So ganoon ang mentality namin, lahat ng bola sa akin nu'ng third quarter, lahat ng screens. Luckily pumapasok naman. Parang sa bilang ko naka nine straight 3-pointers ako ng third quarter," ani Caidic.

Sa kalaunan naka 17 triples siya para burahin ang dating marka. Pero hindi pa tapos ang record-breaking night ni Caidic.

"Nu'ng ma-break namin 'yung record, parang naka 77 points na ko that time, ipinasok pa ko. Sabi, 'Sige baka maka-score ka pa.' Nakatira pa ako ng isa then after that inilabas na nila ako," aniya.

Natalo nila noong ang Ginebra 162-149, pero higit pa roon, nakapagtala sila ng maraming record noong gabing iyon. 

Na kay Caidic din ang record for most points in a half (53), in a quarter (37), at 3-point attempts (27) at makes (17).

Komento ni Caidic: "I guess it was my day."

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.