Pagkain ng tinapay na inaamag: Pacquiao ginunita ang kahirapang pinagdaanan sa pagkabata

ABS-CBN News

Posted at May 20 2020 10:09 PM

 

Hindi maiwasang maluha ni Manny Pacquiao habang ikinukuwento niya ang hirap na pinagdaanan bago maabot ang kasalukuyang estado sa buhay.

Sa panayam sa kaniya ni Martin Nievera sa “ANC Conversations” nitong Martes, emosyonal na ibinahagi ng “Pambansang Kamao” ang mga panahong isang kahig, isang tuka ang pamilya niya.

“Ito ’yung worst experience ko na walang makain. May bakery, ’yung tinapay nila, ’yung bread nila may amag na, sira na. May amag na siya, itatapon na siya para ipakain sa baboy. Sabi ko ’wag munang itatapon ’yan, kasi kakainin pa namin. Aalisin ko lang ’yung amag and then iinitin ko, and then kakainin namin,” pag-alala ng senador at 8-division world champion boxer.

Di rin naging madali ang simula niya sa pagboboksing, kung saan lumalaban siya sa halagang P100 kada laban.

“Before kasi, ’pag manalo ka P100, ’pag matalo ka P50. That amount (back in) that day, malaki na ’yun. Y’ung kilo ng bigas noon, P6 lang, P6 to P7 ganu’n,” paggunita ni Pacquiao.

Nakaranas na rin aniya siya ng pang-aalipusta sa mga may kaya. 

“Masakit ang loob ko kasi may mga taong kayang mamatay na lang ang mga tao kesa magastos ang pera nila,” sabi ni Pacquiao.

“Naranasan ko rin kasi ipagtabuyan ka ng mayayaman. Manghingi ka, ipagtabuyan ka, pandirian ka kasi mabaho ka.”

Dahil dito, dagdag ni Pacquiao, naging determinado siyang tumulong sa mga mahihirap ngayon.

“ ’Pag makita ko ’yung tao na nagugutom, sumisigaw ng pagkain, walang matirahan, parang dinudurog ’yung puso ko kasi naranasan ko ’yan. My life experience, naranasan ko matulog sa bangketa, matulog sa gilid ng kalye, naranasan ko na walang makain. Alam mo ’yung mga pulubi diyan na minsan walang makakain, minsan makakakain, minsan hindi,” ani Pacquiao.

Pahayag pa niya, dahil sa lumaki siyang mahirap, patuloy ang pangaral niya sa mga anak tungkol sa kahalagahan ng huwag paglimot sa kanilang nakaraan.

“Hindi porke’t maginhawa na sila sa buhay, sinasabi ko sa kanila na ’wag kayong matapobre, dapat tulungan niyo ’yung mga mahihirap na tao, ’yung walang makain, walang tirahan, mas ’yun ’yung kaawaan natin kasi sila ’yung kailangan ng tulong,” aniya. 

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.