PatrolPH

‘Sobrang happy namin’: Mga golfer ikinatuwa ang muling pagbubukas ng Bacolod club

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at May 18 2020 11:07 AM | Updated as of May 18 2020 11:08 AM

‘Sobrang happy namin’: Mga golfer ikinatuwa ang muling pagbubukas ng Bacolod club 1
Sinabayan man ng ulan ang kanilang paglalaro, masaya pa rin ang mga golfer na muling maranasan ang isport sa Bacolod Golf and Country Club nitong Linggo. Nico Delfin, ABS-CBN News

Ikinatuwa ng mga golfer ang muling pagbukas ng Bacolod Golf and Country Club nitong Linggo sa Negros Occidental sa ilalim ng general community quarantine.

Sinabayan man ng ulan ang paglalaro ni Pinky Silva ay masaya pa rin siya na muling naranasan ang isport kasama ng mga kaibigan sa nasabing golf and country club sa bayan ng Murcia.

Mahigit dalawang buwan ding naka-home quarantine si Silva bago pa muling nakalaro matapos naibaba sa GCQ ang Bacolod City.

Kaya di na baleng naka-face mask habang enjoy nila ang paligid.

"Sobrang happy namin," ani Silva. "Hopefully sana tuloy-tuloy na."

Bukod sa pagsuot ng face mask ay ipinasisiguro rin ng tagapamahala ng golf club ang paglagay ng foot bath, pagkuha ng temperature at paggamit ng alcohol ng mga bisita, pati na ng bawat empleyado gaya na lamang ng mga caddie nito.

Kasama ang ilan pang golf clubs sa probinsya ay umaasa silang mabigyan na rin ng pahintulot ang mga miyembro nilang napabilang sa senior citizen na makapaglaro.

Ang golf na isang outdoor sport at ilan sa mga non-contact activity ang pinapayagan na batay sa rekomendasyon ng National Inter Agency Task Force for Managing Emerging Infectious Disease sa ilalim ng GCQ, o sa mga low-risk area ng bansa.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.