Ano nga ba ang pinagkakaabalahan ng dating taekwondo champion at aktor na si Monsour del Rosario sa gitna ng COVID-19 lockdown?
Dahil dating national athlete, mahirap daw alisin sa kaniyang routine ang pagte-train. Ngayong magkakasama sila ng pamilya sa bahay, kadalasang isinasama pa niya ang mga anak, kahit mismong kasambahay at drayber sa kaniyang pag-eehersisyo.
"Ang mga anak ko tuwing weekend tine-train ko . . . 'Yung isa junor black belt, 'yung isa red belt. Para 'pag natapos ang lockdown at balik sa normal na buhay tuloy tuloy sila," kuwento ng dating Makati City congressman.
"Sa akin naman, 'yung katulong namin at driver ko sila naman ang tinuturuan ko. 'Yung driver ko, tinuturuan kong humawak ng kick shield."
Mayroon din siyang mga ilang exercise equipment na ginagamit tulad ng punching bag, dumbbells at skipping rope.
Pinapraktis din niya ang mga bago niyang natutunan sa Filipino martial art na kali.
"Pero bitin. Iba pa rin sa gym na may marunong humawak ng mitts, shield at kickpad," aniya.
Si Del Rosario ay isang 8-time national lightweight champion. Nanalo rin siya ng tig-isang bronze medal sa 1985 world championships at sa 1986 Asian Games.
Bukod sa pagiging premyadong taekwondo practitioner, bumida rin siya sa maraming local at international na pelikula.
Nang isailalim sa lockdown ang buong Luzon tumulong siyang mag-distribute ng mga face mask na gawa ng kaniyang pamilya.
"Nu'ng umpisa pa lang ng lockdown, may budget kaming natira at gumawa kami ng face mask," kuwento ni Del Rosario.
"Dinala namin sa lahat ng health centers ng Makati, barangay, sa frontliners, sa Navy, police. Hindi man masyadong marami nakatulong rin."
For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.