'Baby Pons': Kapatid ni Bernadeth Pons, aabangan sa FEU Lady Tamaraws

Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

Posted at May 04 2019 11:57 AM

Tumatayong libero sa koponan ng Western Visayas ang kapatid ni dating FEU Lady Tamaraws star Bernadeth Pons na si Melody sa Palarong Pambansa 2019 sa Davao City. Mark Demayo, ABS-CBN News

DAVAO CITY—Sa tindig, pangangatawan, maging sa ipit ng buhok, kakikitaan ng pagkakahawig si Melody Pons sa kaniyang ate na si Bernadeth, kilalang balibolista ng FEU Lady Tamaraws. 

Susundan kaya niya ang yapak ng kaniyang ate patungong Morayta?

Ayon sa kasalukuyang starting libero ng Western Visayas, walang ibang lumalapit sa kaniyang unibersidad dahil sa tingin nila, bakod na ito ng Far Eastern University.

Ito rin ay kaniyang tiniyak sa ABS-CBN News, na pagkatapos ng senior high school, lilipad na siya papuntang FEU at doon itutuloy ang kaniyang pag-aaral.

Kuwento ng nakababatang Pons na incoming Grade 11 student, nagsisimula na siyang sumali sa ensayo ng Lady Tamaraws mula pa 2017 tuwing summer. 

“Doon na’ko pupunta sa FEU. Nagsa-summer na’ko ng training sa kanila. Two years ago pa. Kasabay ko mag-training ’yung mga ka team ni ate,” pag-amin ng 16 anyos na manlalaro.

Bagamat libero ngayon sa kaniyang koponan sa Palarong Pambansa, spiker talaga ang tunay na posisyon ni Melody katulad ng kaniyang ate. Pagdating aniya sa Lady Tamaraws, babalik ito sa pagiging open hitter. 

Mas mahigpit daw ang pag-eensayo sa Maynila kumpara sa probinsiya at pinupulido maigi ang basic skill sa paglalaro.

Kahit na maaari nang lumipat sa high school department ng FEU, sinunod muna ni Melody ang kaniyang coach na tapusin ang sekondarya sa Rafael Lacson Memorial National High School sa Talisay City.

Nagsimulang maglaro si Melody sa edad na 9 dahil na rin sa impluwensiya ng nakatatandang kapatid. Tinuruan umano siya ni Bernadeth na mag-spike at mag-receive ng bola bago pinayuhang sumali na sa volleyball team sa school.

Doon nagtuloy-tuloy ang kaniyang panimulang karera sa isport at nabigyan ng pagkakataon na lumahok sa Palarong Pambansa noong siya ay Grade 6. 

Labis din ang suportang nakukuha niya sa kaniyang ate na madalas ka-bonding niyang mag-shopping tuwing bumibisita siya sa Maynila para mag-training kasama ang FEU team.

“Nagpo-provide siya sa’kin ng mga jersey tapos suporta siya sa game. Sinasabihan niya ’ko kung paano mag-receive at mag-spike,” ani Melody. 

Minsan din aniya naglalaro sila ng kaniyang ate kapag umuuwi ito sa Talisay ang niloloko na rin kapag wala siyang receive.

“Siya niloloko ako minsan wala raw ako receive pero nakukuha ko naman. Sumasagot din ako,” nakangiting kuwento ng atleta. 

Nakapag-ensayo na siya sa ilalim ni coach Shaq delos Santos at kasalukuyang coach ng Lady Tams na si George Pascua. Pagbabahagi niya, “Baby Pons” ang tawag ni Delos Santos sa kaniya habang “‘Monggay” naman ang bansag sa kaniya ni Pascua.

Maghihintay pa ng ilang taon ang FEU para sa pagdating ng bagong Pons sa kanilang koponan ngunit siniguro ni Melody na wala siyang gustong isuot na jersey maliban sa green and yellow ng FEU. 

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website.