PatrolPH

Next Yan Lariba? Batang kampeon sa Palaro table tennis, minsang nakalaro ang idolo

Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

Posted at May 03 2019 05:05 PM

Next Yan Lariba? Batang kampeon sa Palaro table tennis, minsang nakalaro ang idolo 1
Nagreyna si J Ann Sanchez ng Pangasinan sa table tennis singles elementary girls ng Palarong Pambansa 2019 sa Davao City. Mark Demayo, ABS-CBN News

DAVAO CITY—Madalas siyang pagtawanan noon dahil maliit umano siya para maging mahusay na table tennis player, ngunit hindi nagpatinag ang 11 anyos na si J Ann Sanchez sa mga ito at nagpatuloy sa paglalaro. 

“Tinatawanan po nila ako noon kasi maliit lang po ako pero natalo ko naman sila,” kuwento ng Grade 5 student na si Sanchez. “OK lang na inaasar akong maliit kasi maliit na talaga ako.”

Bagamat hindi katangkaran, pinabilib ni Sanchez ang mga manonood nitong Huwebes nang magkampeon sa table tennis singles elementary girls ng Palarong Pambansa 2019 na nagpahiga sa kaniya sa sahig ng Toril Gymnasium sa lungsod na ito.

Sa edad na 7, nagawa na ni Sanchez na makapasok sa Palaro — bagay na bibihirang mangyari sa naturang kompetisyon. 

Salaysay ng kinatawan ng Region I sa ABS-CBN News, hindi ito ang kaniyang unang medalya sa Palarong Pambansa dahil simula nang pumasok siya sa Grade 2, lagi na siya nakakatuntong sa podium. Pero ito ang kauna-unahan niyang gintong medalya. 

Hindi naging madali kay Sanchez na sa murang edad ay napapasabak na sa mabigat na pag-eensayo.

“Tuwing umaga, nagte-training ako sa club namin tapos sa hapon, tine-train pa po ako ng papa ko sa bahay namin,” saad ni Sanchez na pangatlo sa apat na magkakapatid. 

Hindi nakakagulat na maging mahusay ang manlalaro ng Rosales South Central School sa Pangasinan lalo pa’t nasa dugo na ng pamilya niya ang paglalaro ng ping pong.

Mismong ang tatay nitong guro ang kaniyang tagapagsanay habang ang kuya nito na si Al J Sanchez ay kampeon din sa UAAP sa ilalim ng National University kasama ang isa pa niyang kapatid. 

Labis ang katuwaan ng kaniyang buong pamilya sa naging tagumpay nito kung saan binuhat pa ito ni Al J at inikot sa loob ng gymnasium matapos manalo. Habang ang kaniyang ama ay nais na magretiro sa pagko-coach ng table tennis dahil sa nangyari. 

“Magre-retire na ako sa coaching. Nakuha ko na ’yung pinaka-peak. Ibibigay ko na sa ibang kasama ko. At least nakuha ko, wala na ko hihingin pa,” tugon ni Allan Sanchez. 

Ayon sa ama ng atleta, buo ang suporta ng pamilya sa mga anak niya sa lahat ng kompetisyon nila kung saan kahit walang nakukuhang pinansyal na suporta, naglalabas na lamang mula sa sarili nilang bulsa.

Isa sa mga iniidolo ni J Ann ay ang kauna-unahang table-tennis Olympian ng Pilipinas na si Yan Lariba na pumanaw dahil sa sakit na leukemia noong nakaraang taon. 

Inamin ni Sanchez na nabigyan ito ng pagkakataon na makausap at makalaro pa si Lariba noong 2017 sa Nueva Ecija. Bagamat natalo siya sa friendly game, labis ang kaniyang paghanga sa dating UAAP champion at MVP. 

“Talo po ako pero magaling po siya sobra. Naki-tuneup sila sa amin. Taga-Pangasinan po kami pero pumunta kami sa Nueva Ecija para makalaro sila,” pagsasalaysay ng batang player.

May bilin din sa kaniya ang idolo pagkatapos ng kanilang laban. “Sabi niya, galingan ko lang po. ’Wag lang magpakampante.”

Payo naman ni Sanchez sa mga kagaya niyang bata pa lang nagsisimula na lumaban, disiplina at sumunod sa coach at magulang ang susi para magtagumpay. Samahan din daw ito ng panalangin.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.