Palaro 2019: 2 atleta mula Itogon, Benguet inalala ang hagupit ng bagyong ‘Ompong’

Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

Posted at May 02 2019 02:09 PM

Palaro 2019: 2 atleta mula Itogon, Benguet inalala ang hagupit ng bagyong ‘Ompong’ 1
Sina Lara Mae Pangosban at Creishna Gayudan lamang ang tanging taga-Itogon, Benguet na nakarating sa Palarong Pambansa 2019 sa Davao City. Mark Demayo, ABS-CBN News

DAVAO CITY — Mga nabuwal na puno, nasirang kalsada, gumuhong lupa, mukha ng takot at pangamba — ganyan inilarawan ng dalawang manlalaro mula sa Itogon, Benguet ang itsura ng kani-kaniyang lugar sa pananalasa ng bagyon ‘Ompong’ noong Setyembre 2018.

Hindi man direktang tinamaan ng landslide sa bayan ng Itogon, ikinuwento ni Lara Mae Pangosban, isa sa kinatawan ng Cordillera Administrative Region sa table tennis elementary girls, na ninais ng kaniyang ina noong panahon na iyon na lumikas na sila.

Ayon kay Pangosban, kinakabahan ang kaniyang ina dahil may bahay sa bundok na katabi lamang ng bahay nila at maaari umano itong bumagsak sa kanila.

“Nasa bahay [kami] nung bumagyo. Walang pasok. Nagpa-panic ‘yung nanay ko kasi gusto niya mag-evacuate kami sa school kasi malakas yung ulan,” pag-alala ng Grade 5 student na si Pangosban.

Sa kabila ng nakaambang panganib, hindi nila tinuloy na lumikas sa Dalicno Elementary School dahil na rin sa dami ng taong nandoon.

Halos ma-trap naman sa kanilang barangay si Creishna Kate Gayudan na manlalaro ng taekwondo nang humagupit ang Ompong dahil sa mga gumuhong lupa sa kanilang barangay.

Sa Barangay Ucab mismo naninirahan ang 15 anyos na si Gayudan, kung saan nagkaroon ng matinding landslide na kumitil sa halos 100 katao. Ngunit ayon sa incoming Grade 10 student nasa sentro sila sa barangay na hindi kataasan ang mga bundok.

“‘Yung road ‘di pa nila inaayos kaya dun kami kinakabahan. Kaya pagkatapos nung Ompong, ta's may ulan ulan ulit, parang ayaw na namin pumasok kasi baka mag-landslide,” ani Gayudan na nasa ikalawang Palarong Pambansa na.

Walang pasok sa eskuwelahan nang mangyari ang bagyo kaya naman nasa bahay lang ang dalawang atleta. Ngunit si Gayudan, kinailangan lumuwas ng Baguio City, isang araw matapos ang pagdaan ni Ompong.

Pagbabahagi niya sa ABS-CBN News, nakatakda siyang lumahok sa Batang Pinoy at kinailangan niya daanan ang mga sirang kalsada at putik bunsod ng pagguho ng lupa.

“‘Yung road bumigay po siya so kailangan naming dumaan sa putik. Wala kaming nadalang shoes kasi baka masira lang. Nasira pati slippers namin,” ayon kay Gayudan na nais mag-aral sa Maynila ngunit ayaw pa ng kaniyang ina.

Natakot naman si Pangosban nang bumagsak ang isang puno sa bahay ng kanilang kapitbahay. Panay dasal na lamang umano siya na walang mangyari sa kanilang tirahan.

Bagamat ‘di lumipat, inamin ng dalawa na matapos ang malakas na bagyo, pinatingnan nila ang kanilang bahay para sa anumang dapat kumpunihin.

Si Pangosban na 10 taong gulang pa lamang at si Gayudan ang taga-Itogon na nakaabot sa Palarong Pambansa ngayong taon sa Davao City.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, pumunta sa website ng ABS-CBN Sports.