‘Yolanda’ survivor nagdiwang ng kaarawan sa finish line, nanguna sa Palaro 2019

Karl Cedrick Basco, ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2019 03:42 PM

‘Yolanda’ survivor nagdiwang ng kaarawan sa finish line, nanguna sa Palaro 2019 1
Nakuha ni Alhryan Labita ang ginto sa 400m hurdles secondary boys sa mismong kaarawan niya sa Palarong Pambansa 2019 sa Davao City. Mark Demayo, ABS-CBN News

DAVAO CITY -- Sa tagal ng paghihintay niyang makagintong medalya sa Palarong Pambansa, hindi inakala ni Alhryan Labita na makukuha niya ito sa mismong kaarawan niya. 

Nagdiwang ng kaniyang ika-18 kaarawan si Labita sa University of Mindanao track oval bilang kampeon sa 400-meter hurdles secondary boys sa Palarong Pambansa 2019, ang kaniyang unang ginto sa apat na taong paglahok sa kompetisyon.

Ayon kay Labita na tubong-Tacloban ngunit bitbit ang Calabarzon region sa Palaro, tatlong taon siyang kinatawan ng Eastern Visayas bago lumipat sa San Beda University-Rizal Campus noong nakaraang taon. 

Kuwento ng atleta na nasikwat pa ang tanso sa 100-meter run secondary boys ilang minuto matapos makaginto, nakulangan siya ng suporta mula sa kanilang lugar sa mga nakalipas na taon kaya naisipan niyang kausapin ang tagapagsanay ng San Beda. 

“Ako ang nag-chat sa coach ng San Beda na ‘please coach kunin niyo po ako rito kasi wala po talagang suporta dito.’ Nagmamakaawa po talaga ako sa kanya. Kinuha naman po talaga niya ko. Marami naman po kumukuha pero nag-San Beda po ako,” pahayag ni Labita na may tatlo pang natitirang events. 

Pag-aamin nito, mahirap ang naging pag-eensayo niya sa Tacloban lalo na noong Grade 11 ito dahil kinikumpuni ang kanilang stadium kaya puro sa lupa lamang siya nakapaghanda para sa Palaro 2018 sa Ilocos Sur. 

Hindi rin niya inasahan manalo sa hurdles lalo pa’t hindi ito ang kaniyang main event at napilit lamang na tumakbo dahil sa kakulangan ng manlalaro. 

“‘Di ko in-expect na makukuha ko 'yung gold. Palarong Pambansa po ito e lahat ng malalakas nandito. Kaya pressured na pressured ako. Labanan ng lakas ng loob na lang ito,” ayon kay Labita. 

Si Labita ay isa sa mga nakaligtas sa hagupit ng bagyong Yolanda, anim na taon na ang nakakaraan. Isang daang metro lamang ang layo ng kanilang bahay sa Tacloban sa dagat kaya nang nagkaroon ng daluyong umabot hanggang sa kisame ng kanilang bahay ang tubig. 

“Nasa bahay po ako tapos 'yung tubig po nasa kisame na namin. Ako, literally, umiiyak. Kung tumaas pa ‘yung tubig, malamang wala po ako rito,” sabi ni Labita. 

Hindi rin aniya sila naka-evacuate agad dahil mabilis ang naging pagtaas ng tubig at wala na silang madaanan. 

Sa ngayon, abala si Labita sa kaniyang ensayo sa Rizal na ayon sa kaniya malaki ang pinagkaiba sa probinsya. Kahit naninibago, sinisikap umano niyang makasabay sa mga kapuwa atleta sa Calabarzon.

Para sa iba pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website