MPBL: Gerald Anderson mananatili sa Marikina Shoemasters

ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2019 11:48 AM | Updated as of Apr 19 2019 04:12 PM

Gerald Anderson sa 2019 MPBL All-Star Game. Richard Esguerra, ABS-CBN Sports

Mga bagong mukha ang ipaparada ng Marikina Shoemasters sa muling pagbubukas ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) ngunit mananatili sa koponan ang aktor na si Gerald Anderson. 

Sa ulat ng Fox Sports Philippines, kinumpirma ni Shoemaster head coach Elvis Tolentino na kakailanganin pa rin nila ang serbisyo ni Anderson sa muling pagsabak sa torneo. 

Makakasama ni Anderson ang ilan lamang sa kaniyang mga naging kasama noong nakaraang season na sina Yves Sazon, JR Ng-Sang, Renato Ular, Jondan Salvador, at Ronald Roy. 

Target ng Marikina-based team na magkaroon ng mga bagong manlalaro upang makipagsabayan sa mga mas malalakas na koponan sa liga. 

Isa ang Kapamilya actor sa pinakamahusay na defensive player sa MPBL na tumitikada ng halos dalawang steals kada laro. 

Samantala, naaasahan sa three-point area si Sazon lalong lalo na noong MPBL Datu Cup. Maganda rin ang ipinakita nina Ng-Sang at Ular sa nakaraang laban. 

Dadagdag sa hanay ng Shoemasters ang 6-foot guard na si Christian Caldozo na naglalaro para sa Philippine Christian University.

Para sa ibang pang balitang pampalakasan, bisitahin ang ABS-CBN Sports website