PatrolPH

NBA MVP race: Nikola Jokic mahigpit pa rin ang kapit sa unang puwesto

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2021 05:50 PM

NBA MVP race: Nikola Jokic mahigpit pa rin ang kapit sa unang puwesto 1
Nangunguna pa rin sa NBA MVP race si Nikola Jokic ng Denver Nuggets. Chuck Cook, USA TODAY Sports via Reuters

Nananatiling matatag ang pagkapit ni Denver Nuggets star Nikola Jokic sa unang puwesto sa mga potensyal na NBA MVP lalo pa’t pinangungunahan nito ang kampanya ng koponan sa pagkawala ni Jamal Murray dahil sa injury. 

Sa ulat sa NBA website, sinabi na bumaba ng 6 porsyento ang injury rate ng mga manlalaro ngayong season kumpara sa nakaraan, ngunit naapektuhan pa rin nito ang mga malalakas ang laban para sa MVP trophy. 

Sa Top 10 players sa linggong ito, ni isa sa kanila ay naupo na sa kabuuang 76 laro dahil sa injury. Kaya naman si Jokic, na hindi pa nawawala sa laro, ay patuloy na umaalagwa sa karera. 

Nito lamang Miyerkoles, naitala ni Jokic ang kaniyang ika-15 triple-double ngayong season upang igiya ang Nuggets kontra Miami Heat, 123-116. Ito ang unang laro ng koponan na wala si Murray na tuluyang namaalam sa season dahil sa ACL injury. 

“Jamal Murray’s not coming back. So, we realize that, and other guys have to step up. Tonight, we had a lot of guys who did that,” ani Denver coach Michael Malone.

Maaari pang tumaas ang tyansa ni Jokic na maiuwi ang korona ng MVP kung patuloy na mapupunan ng Nuggets ang kawalan ni Murray lalo na sa krusyal na bahagi ng regular games. 

Ilan sa mga manlalaro na nagawang makapasok sa top 5 ng weekly rankings ngunit unti-unting lumaylay dahil sa injuries ay sina Joel Embiid, Giannis Antetokounmpo, James Harden, LeBron James at Kevin Durant.

Tanging si Embiid at Antetokounmpo lamang ang nakabalik sa top 5 matapos ang naranasang injuries. 

Hindi nakapaglaro si Embiid ng Sixers ng 18 laro dahil sa bone bruise sa kaniyang tuhod habang 14 na laban na ang hindi nasasalihan ni James dahil sa high ankle sprain. 

Samantala, apat na minuto lamang ngayong Abril ang inilaro ni Harden matapos mapwersa ang kaniyang hamstring injury, dahilan upang maupo sa unang dalawang laro ng Brooklyn Nets ngayong buwan. 

Apat na laro pa lamang ang nalalaruan ni Durant mula noong Pebrero 6 dahil din sa hamstring injury. 

Nagpapakitang gilas din naman muli ang two-time MVP ng Golden State Warriors na si Stephen Curry upang muling makapasok sa top 10. 

Narito ang Top 10 sa 2020-2021 Kia Race to the MVP ladder ngayong linggo.

1. Nikola Jokic, Denver Nuggets
2. Joel Embiid, Philadelphia 76ers
3. Luka Doncic, Dallas Mavericks
4. Giannis Antetokounmpo, Milwaukee Bucks
5. Damian Lillard, Portland Trail Blazers
6. Kawhi Leonard, LA Clippers
7. James Harden, Brooklyn Nets
8. LeBron James, Los Angeles Lakers
9. Stephen Curry, Golden State Warriors
10. Rudy Gobert, Utah Jazz

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.