Mga atletang enlisted military personnel, naglilingkod sa frontlines ngayon

Dennis Gasgonia, ABS-CBN News

Posted at Mar 31 2020 07:07 PM | Updated as of Mar 31 2020 09:50 PM

Si Romark Belo (kanan) kasama ang kapwa enlisted personnels a frontline. Kuha ni Romark Belo

MAYNILA -- Para sa water polo athlete na si Romark Belo, maikukumpara rin sa sports ang kinakaharap nilang laban sa COVID-19 bilang miyembro ng frontline personnel.

Si Belo ay kabilang sa mga atletang Pinoy na enlisted din bilang military personnel. Ipinatawag sila ng gobyerno para magsilbing suporta sa Philippine National Police at Department of Health sa pagtao sa frontlines.

"Mahirap dahil hindi namin alam kung anong pwede mangyari eh... Lahat kasi pwede maging threat so kailangan namin maging mapagmatyag," ani Belo sa panayam sa ABS-CBN News.

Kasama si Belo sa men's water polo team ng bansa na nagkamit ng silver sa nakaraang 2019 Southeast Asian Games.

Aniya, hindi rin malayo sa sports ang sakripisyong pinagdaraanan nila sa field.

"For me, parehong mahirap. Sa pagiging athlete, preparation ang mahirap," kuwento ni Belo. "Dito sa field of duty namin, puyat, init banta ng kalaban and lalong-lalo na 'yung COVID-19 (ang mahirap)."

Gayunpaman, isang malaking karangalan daw ang mapaglingkuran ang bansa lalo na sa panahon ng sakuna.

"Nakakakaba and nakaka-proud. Nakakakaba dahil mahirap ma-identify kung sino 'yung carrier ng virus so ingat lang din, and nakaka-proud dahil malaki 'yung naitutulong ko sa ating bansa."

Kasama rin sina Mark Jerwin Valdez, Adan Gonzales, McGyver Reyes at Bnel Amiladjid sa mga miyembro ng water polo team na kasapi ng militar.

Nanawagan si Belo sa mga kababayan na makiisa sa pagsugpo ng COVID-19.

"Kung wala namang valid reason na lumabas, manatili na lang po tayo sa mga tahanan. Sulitin natin 'yung oras sa ating mga mahal sa buhay dahil hindi lahat nabibigyan ng pagkakataon na makapiling ang pamilya," aniya.

Samantala, maging ang Philippine Muay Thai team ay may mga enlisted personnel din na tumatao sa frontlines. 

Kamakailan lang, binigyang pugay ng Muay Thai Association of the Philippines ang mga miyembro nila na nagsisilbi katuwang ng mga medical personnel.

Pinangungunahan nina Southeast Asian games silver medalist Irene Lipatan, Preciosa Delarmino, Philip Delarmino, Roland Claro at James Daquil ang mga muay Thai fighters na nagsisilbi sa frontline.

"Our Muay Thai athletes and coaches are called once again to serve their country. This time, in the fight against CoVid-19 that threatens our fellow Filipinos," ani ng Muay Thai Association sa kanilang Facebook post

"To our brave and selfless Nak Muays and frontliners, maraming, maraming salamat sa walang sawang pagtugon para sa inang bayan. Kayo ang tunay na mga bayani! Saludo kami sa inyo!"

(For more sports coverage, visit the ABS-CBN Sports website).