'Hindi ito magiging madali': Kai Sotto sa kaniyang NBA dream

ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2019 08:38 PM

Watch more in iWantTFC

Aminado ang UAAP high school basketball standout na si Kai Sotto na hindi magiging madali ang tatahaking landas para makamit ang kaniyang pangarap na makalaro sa National Basketball Association (NBA) sa Amerika. 

Ito ay matapos niyang ianunsyong tutulak siya sa Amerika sa Abril para sumabak sa training na magpapakondisyon ng kaniyang katawan para makipagsabayan sa mga maituturing na big men ng NBA. 

"Sabi nila expect the worst, hindi ito magiging madali, ready ako sa hirap, ito iyong parang basketball, parang hininga ko na," aniya sa isang press conference nitong Martes. 

Ayon kay Sotto at sa ama niyang si Earvin, napagkasunduan nang papasok siya sa East West Private Agency at tutulak sa Atlanta para simulan ang training. Dito balak ni Sotto na magpalakas ng katawan. 

Pupunta rin sa iba't ibang basketball camp sa Amerika sina Sotto at ang kaniyang ama. Pinag-iisipan ni Sotto kung sa Europa siya maglalaro matapos makatanggap ng alok mula sa mga koponan doon. 

 Malaking bagay din aniyang makasama sa kontrata na lagi niyang makakapiling ang kaniyang pamilya. 

Target niyang maghain ng intention na mag-apply sa 2021 o 2021 NBA draft, kung saan isasalang at pipiliin ang mga magiging rookie o bagitong player ng kada koponan para sa isang NBA season. 

Kung palarin, si Sotto ang magiging pinakaunang homegrown NBA player mula sa Pilipinas. 

Excited man sa bagong direksyon ng kaniyang buhay, aminado si Sotto, na bibitaw sa natitirang eligibility years niya sa UAAP, na mami-miss niya ang paglalaro para sa Ateneo Blue Eagles at ang pang-araw-araw niyang buhay sa Pilipinas. 

Pero gusto niyang hamunin ang kaniyang limitasyon sa basketball at ma-represent ang talento ng Pilipino sa mundo ng sport. 

Tingin naman ng PBA veteran at sports analyst na si Eric Altamirano na kaya ni Sotto na makipagsabayan sa big men ng NBA sa kaniyang height at intelligence quotient sa laro. 

Kasama ni Sotto patungong Amerika ang kaniyang ama, ina, at dalawang nakababatang kapatid. -- Ulat ni Dyan Castillejo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.