PatrolPH

MPL Season 9: Hail Mary? Escalera nagdasal bago ang Game 2 shot call vs. Echo

Angela Coloma, ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2022 08:07 PM

Nagdiriwang ang TNC Pro Team matapos manalo kontra Echo Philippines sa kanilang bakbakan nitong Sabado. Courtesy: MPL Philippines
Nagdiriwang ang TNC Pro Team matapos manalo kontra Echo Philippines sa kanilang bakbakan nitong Sabado. Courtesy: MPL Philippines

MAYNILA - Abot-kamay na sana ng Echo PH ang sweep kontra TNC Pro Team nang magbakbakan ang dalawa sa Season 9 ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League nitong Sabado. 

Iyon na rin sana ang daan para makuha na agad ng Echo ang unang playoff spot ngayong season, nang tambakan ang TNC Pro Team sa Game 2 ng kanilang laban, at hawak pa nila ang kalamangan sa serye sa iskor na 1-0. 

Pero sa isang iglap, nabago ang ihip ng hangin dahil sa shot call ni Jomarie “Escalera” Delos Santos ng TNC na mabilisang sugurin ang base ng Echo habang abala sila sa pagpatay sa lord. 

Sa huli, na-secure pa ng TNC ang serye kontra sa top-seeded na Echo PH. Inilahad ni Ben "Benthings" Maglaque na nakuha nila ang ideya matapos umanong magdasal ni Escalera, na siyang nanguna sa shot call o pag-utos ng play na magbabago ng ihip ng laro. 

"Ikinwento ni Jojo (Escalera) na nag-pray po siya... Then nung pag-pause na yong Echo, may pumasok po sa isip ni Escalera na 'pwede nating gawin ito' yung ginawa naming backdoor," ani Benthings matapos ang kanilang panalo kontra Echo PH. 

Noong panahong iyon, abala ang Echo PH na patayin ang lord na importante sana para malusob na nila ang teritoryo ng TNC Pro Team. 

Pero habang ginagawa nila iyon, lumusob sa top lane ang apat na manlalaro ng TNC Philippines. 

Nakapagrecall man si Frederic Benedict "Bennyqt" Gonzales para madepensahan ang kanilang tore, huli na ang lahat at naipuwersa pa ng TNC Pro Team ang Game 3. 

Dahil sa resulta, top 2 na sa standings ang TNC Pro Team. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.