PatrolPH

Ano na ang mga pinagkaabalahan ni Ch4knu ngayong MPL Season 11?

ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2023 07:08 PM

MAYNILA -- Marami ang nagulat nang mapagpasyahan ni Joshua "Ch4knu" Mangilog na magpahinga ngayong Mobile Legends: Bang Bang Professional League Season 11. 

Tila household name na ang binansagang Ch4kmamba, na kilala sa pagbubuo ng makamandag na set-up plays para sa Omega Esports. 

Sa pagbisita niya sa panalo ng Omega kontra RSG Slate Philippines ngayong Biyernes, sinabi ni Ch4knu kung ano ang mga pinagkakaabalahan niya. 

"Ano lang talaga, nagpapahinga, natutulog," aniya sa mga reporter. 

Minsan nang nabalitaang nagmo-motor si Ch4knu, o kaya bumibisita sa mga kaibigan, gaya ni Tristan "Yawi" Cabrera na nagpatayo ng kaniyang negosyo kamakailan. 

Nang makapanayam naman si Mara Aquino live broadcast ng MPL Philippines, ibinahagi rin ng MPL Hall of Legends inductee ang ilan pa niyang pinagkakaabalahan. Bukod sa minsang paglalaro ng ML, sinabi pa ni Ch4knu na may isa pa siyang pinagkakaabalahan. 

"Binibilang ko balahibo ng pusa ko," aniya. 

Kung tatanungin naman si assistant coach Patrick "E2MAX" Caidic, nananatiling malaki ang presensiya ni Ch4knu bilang role player ngayong season. 

"Yung presensiya niya sobrang laking bagay sa team. Siyempre isa siya sa mga faces ng Omega. Pati ang bagong players natin talagang tinitingala siya as a player. Siyempre pampa-boost ng confidence ng mga bata," paliwanag niya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.