PatrolPH

NCAA: Amores muling humingi ng paumanhin kay Pasturan, Davis ng Benilde

ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2023 01:44 AM

Kuha mula sa ABL
Kuha mula sa ABL

MAYNILA - Ilang buwan makalipas ang kontrobersiyal na pakikipasuntukan sa koponan ng St. Benilde ay muling humingi ng sorry si John Amores sa mga miyembro ng Blazers.

Nag-post ng isang public apology ang dating JRU Heavy Bomber na si Amores para kina Taine Davis, Jimboy Pasturan at sa buong St. Benilde team.

"Maliban sa personal na paglapit at paghingi nito sa inyo, nais ko muling humingi ng lubos na paumanhin at pag-unawa para sa aking mga nagawa, sa inyong mga nasaktan ko at sa inyong pamilya, sa pamamaraang ito na maaaring makita ng lahat upang sana ay maging tanda ng aking buong pagpapakumbaba at sinserong pagtanggap sa aking mga kamalian," ang sabi niya sa kanyang bukas na liham.

"Matapos ang mga pangyayari sa larong iyon noong nakaraang taon, nais kong malaman ninyo na naging napakalaking aral nito para sa akin. Ano pa man ang pagod, pressure, o problema, walang dahilan upang manakit ng kapwa players, pumatol sa fans, at tumaliwas sa mga patakaran ng NCAA."

Matatandaang inatake ni Amores ang ilang miyembro ng St. Benilde matapos uminit ang ulo niya sa laro noong Nobyembre.

Kasama sa kaniyang mga nasaktan sina Davis at Pasturan.

Dahil dito, pinatawan siya ng indefinite suspension mula sa NCAA. Natanggal din siya sa sports program ng kaniyang paaralang Jose Rizal University.

Naharap din siya sa kasong physical injury na isinampa nina Pasturan at Davis.

"Napaalala rin sa akin kung bakit ko minahal nang lubusan ang larong ito: hindi para sa kasikatan, kundi para sa pagkilala at paggalang sa kalakasan ng mga kasamahan kong manlalaro. At sainyo na bumubuo ng College of St Benilde, De La Salle Community ako rin ay nag susumamo. Naway tanggapin niyo ang paumanhing ito. Lubos na gumagalang, JOHN AMORES," ang sabi niya sa pagtatapos ng liham.

Hindi ito ang unang beses na nag-sorry siya sa St. Benilde.

Ilang araw makaraan ang pananakit, dumalaw siya sa team practice ng Blazers para personal na ipaabot ang kaniyang paumanhin.

Makaraan din ng kontrobersiya ay nabigyan naman siya ng pagkakataong makapaglarong muli.

Napasali siya sa Zamboanga Valientes para sa ASEAN Basketball League Invitational. Naglaro din siya para sa Muntinlupa Cagers ng MPBL.

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.